top of page
Search
BULGAR

Iba’t ibang kahulugan ng lumilipad

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 13, 2021



Salaminin natin ngayon ang panaginip ni Katherine na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Madalas akong managinip ng lumilipad ako. Minsan, naglalakad ako sa iskinita pauwi sa amin, tapos lumipad ako at nakauwi agad ako. Minsan, sa panaginip ko, nakalipad nga ako pero mababa lang at hindi na natuloy ang paglipad ko. May mga panaginip din ako na lumilipad ako, tapos kasabay ko ang mga ulap dahil sinusundan ko. Tapos nakita ko ang mga ulap na nagpaulan sa mga taniman ng sugarcane o tubo ng masaganang tubig.


Sana ay matulungan mo ako sa kahulugan ng aking panaginip. Maraming salamat!


Naghihintay,

Katherine

Sa iyo, Katherine,


Kapag sa reyalidad ay may gustong gawin ang isang tao at hindi niya magawa, ang isa sa mapapanaginipan niya ay lumilipad siya.


Kapag ang tao ay nasadlak sa sobrang hindi magandang sitwasyon, siya rin ay mananaginip na siya ay lumilipad.


Kapag ang tao ay may gustong takasan sa kanyang buhay, sa panaginip, siya ay lilipad.

Kapag ang isang tao ay may pangarap pero siya ay naduduwag na abutin ang mga ito, siya ay makalilipad sa kanyang mga panaginip.


Pag-aralan mo ngayon ang iyong buhay. Suriin mo at subukang alamin kung ano o alin sa nasabing mga sitwasyon na ikaw nangangailangang “lumipad?”


May gusto ka bang gawin, pero hindi mo magawa dahil may malaking hadlang sa iyong harapan? Ang payo ay huwag mong katakutan! Maghanap ka ng paraan para magawa mo pa rin ang gusto mong gawin kung saan ang isa sa mensahe ay iangat mo ang iyong sarili sa mas mataas na talino, galing at kahusayan.


Matagal ka na bang hindi umaasenso sa trabaho at kahit ano ang gawin mo ay hindi pumapabor sa iyo ang mga nakatataas? Lumipad ka! Ibig sabihin, maghanap ng ibang trabaho.


Sobrang pangit ba ng iyong love life? Hindi puwede na mamalagi kang ganito, kaya lumipad ka na ang ibig sabihin, layuan mo na ang nagpapahirap sa iyo.


Gusto mo bang takasan ang kahirapan? Lumipad ka rin na ang ibig sabihin, iwanan mo ang iyong buhay ngayon at maghanap ka ng bagong buhay sa bagong mundo o kapaligiran.


Gustung-gusto mo bang mag-abroad pero naduduwag ka? Ang payo ng panaginip mo ay lakasan mo ang iyong loob at ikaw ay mag-abroad.


Hindi nakalilipad ang tao dahil wala naman siyang pakpak, subalit higit sa lahat ng may buhay, may kakayahan siyang liparin ang kanyang mga pangarap dahil puwede naman niyang gawing pakpak ng kanyang mga pangarap ang matinding hangarin niya na magkaroon ng buhay na maunlad, masagana at ligtas sa kuko ang kahirapan.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page