top of page
Search
BULGAR

Iba’t ibang dahilan ng pamumula ng mata alamin!

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 13, 2021





Dear Doc. Shane,


Madalas mamula ang aking mga mata kahit hindi naman ako puyat. Hindi naman siya makati kaya wala akong sore eyes, minsan para itong naluluha pero hindi naman gaano. Ano pa ang ibang dahilan ng pamumula ng mga mata? – Louie


Sagot


Maraming dahilan ang pamumula ng mga mata. Nariyan ang puyat, allergy, stress, panunuyo ng mga mata, pagkapuwing, kemikal, droga, glaucoma o impeksiyon. Kapag may pamumula ng mga mata, huwag agad mataranta o magpatak ng kung anu-ano.


Conjunctivitis ang medical na tawag sa sore eyes. Minsan, tinatawag din itong “pink eyes” dahil sa kulay nito. Sa ating bansa, ang mas kilalang tawag na sore eyes ay kalimitang kumakalat tuwing tag-init o bakasyon.


Ang kalimitang sanhi ng nakahahawang sore eyes ay virus. Tinatawag itong viral conjunctivitis. Tumatagal ito ng mga ilang araw hanggang isang linggo. Mabilis itong makapanghawa kaya ipinapayong huwag kusutin ang matang apektado at ugaliing maghughas ng mga kamay gamit ang tubig at sabon, tuwing may pagkakataon.


Ang isang uri ng sore eyes ay tinatawag naman bacterial conjunctivitis. Halos magkasintulad din ito ng sintomas sa viral conjunctivitis ngunit, mapapansing may nana o paninilaw ng muta kung may bacterial conjunctivitis. Kalimitan sa mga may ganitong impeksiyon ay nakararamdam din ng parang pagkapuwing at matinding pananakit ng mata. Sa ganitong pagkakataon, kailangang kumonsulta agad sa ophthalmologist.


Dapat bang patakan kaagad ng gamot o anumang eye drop preparation ang mga mata? Magdahan-dahan muna. Ang mga nabibiling antibayotiko na ipinapatak sa mga mata o ang mga over-the-counter (OTC) eye preparation ay hindi rin agad rekomendado. Dahil importanteng malaman muna ang dahilan ng pamumula. Ang pamumula ng mga mata dahil sa allergy o sa puyat ay maaaring matugunan ng mga OTC eye drops. Siguraduhin lamang na walang steroids o antibiotic ang nasabing pampatak sa mata dahil baka mas lalo itong makasama. Kung ito naman ay viral conjunctivitis, kusa itong gagaling matapos ang ilang araw o linggo. Hindi nangangailangan ng antibayotikong ipinapatak sa mata dahil hindi naman tumatalab ang antibayotiko sa virus. Kung sakali mang may kasamang dilaw na pagmumuta at malaki ang suspetsang maaaring sanhi ito ng bakterya, huwag mag-atubiling magpakonsulta. Maaaring kailangang suriin ng espesyal na kagamitan ang inyong mata. May ilang bakterya o mikrobyo kasing mabilis makasira ng mata lalo na pag kumalat ang impeksiyon. Ang ganitong klase ng sore eyes ay nangangailangan na ng antibayotikong gamutan. Tanging doktor lamang ang makapagsasabi kung ano nga ba ang nararapat na gamot.


Isang espesyal na paalala: May sakit sa mata na tinatawag na glaucoma. Ito rin ay maaaring magpresinta ng sintomas tulad ng pamumula ng mata. Kung hindi tiyak sa dahilan ng pamumula ng mata, kumonsulta agad sa inyong doktor.

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page