ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| December 15, 2020
Bigyang-daan natin ang tanong ni Patrick ng Gumaca, Quezon.
Dear Señor,
Gusto kong malaman mula sa inyo kung ano ang hiwaga ‘pag ang aso ay umaalulong sa gabi? Kasi ‘yung aso rito sa amin ay umaalulong, kaya gusto na siyang patayin ng isang kapitbahay namin, pero may nagsasabi sa kanya na bawal ‘yun dahil makukulong siya dahil sa animal cruelty. Sana masagot n’yo ang katanungan kong ito. Maraming salamat!
Naghihintay,
Patrick
Sa iyo, Patrick,
Maraming dahilan kaya umaalulong ang aso, lalo na sa gabi. Ang unang dahilan, may nakikita siyang kakaiba tulad ng kaluluwa, aswang at iba pang maligno dahil totoo na ang mga mata ng aso ay matalas kung saan sila ay nakakikita ng hindi nakikita ng tao.
Sa kanyang pag-alulong, kapag may multo at iba pa, ang kanyang buntot ay nakabahag na papasok sa loob ng katawan ay nagsasabing siya ay takot.
Mabilis na pag-alulong kapag malapit lang sa kanya ang mga multo at iba pang nakakatakot na nilalang. Mahabang alulong naman kapag malayo sa kanya ang mga ito kung saan ang leeg ay kanyang inuunat bilang palatandaan na nasa malayo ang kanyang nakikita.
Hindi sa lahat ng pagkakataon ay umaalulong ang aso dahil lang sa multo at iba pang lamang lupa. Umaalulong din siya kapag parang nahihiwagaan siya sa kanyang nadarama at nakikita, tulad ng kapag bilog na bilog ang buwan sa langit at ang paligid ay sobrang maliwanag dahil sa liwanag ng buwan.
Kapag naramdaman niya na may kakaibang nangyayari sa lupa, tulad ng paparating na lindol, ang aso ay aalulong din. Kapag naramdaman ng aso na may naghuhukay sa lupa tulad ng ginagawa ng “Termites Gang”, ang aso ay puwede ring magbabala sa pamamagitan ng pag-alulong.
Kapag ang aso ay may nakitang biglang paggalaw ng mga puno o sanga ng mga punong-kahoy sa malayo, siya rin ay maaaring umalulong. Sa biglang pagpapalit ng simoy ng hangin kung saan mainit at biglang lalamig, ang aso ay aalulong. Kapag ang aso ay nakakita ng tao na hindi niya gusto ang suot o porma at kilos na nasa malayo, siya rin ay aalulong.
Bukod sa mga nabanggit, ang aso ay umaalulong kapag siya ay may sakit, lalo na kung ang kanyang sakit ay sa anumang bahagi ng sikmura o tiyan at iba pang sakit na nararamdaman niya sa kanyang mga organs.
Ang ganitong pag-alulong ng aso dahil siya ay may sakit o karamdaman ay ang pangkaraniwang dahilan ng kanyang pag-alulong. Dahil dito, inirerekomenda na mas maganda kung dadalhin siya sa isang beterenaryo o doktor sa mga hayop upang siya ay masuri.
Oo, bawal manakit o pumatay ng mga hayop, aso man o pusa o kahit na anong hayop dahil may batas na nagpaparusa sa mga gagawa ng “cruelty to animals.”
Good luck and God bless!
Comments