ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| April 12, 2022
Karamihan sa atin ay umuutot nang lima hanggang 15 beses kada araw. Marami ba? Well, normal lang yan at mayorya niyan ay wala namang amoy.
Ayon sa mga eksperto, ang ‘gas’ o utot ay may hydrogen sulfide, carbon dioxide, ammonia at methane, na natural na napo-produce sa digestion, habang tinutunaw ng bacteria sa gut ang mga pagkain.
Pero kung karaniwang walang amoy ang utot, bakit naman may mga pagkakataong mabaho ito? Well, narito ang iba’t ibang dahilan kaya mabaho ang utot:
1. DIET. Kabilang ang diet at eating habits sa mga karaniwng sanhi ng mabahong utot. Sey ng experts, ang mabilis na pagkain ay posibleng dahilan para makalunok ka ng maraming hangin kasama ng pagkain, at ito ang dahilan kaya mas maraming hangin o ‘gas’ sa iyong digestive tract at ito ang dahilan ng mabahong utot. Samantala, ang mga pagkaing mayaman sa sulfur, kabilang ang sibuyas, broccoli at repolyo ay puwedeng maging sanhi ng mabahong utot. Upang maiwasan ito, inirerekomendang nguyain nang maayos ang pagkain upang mas madali itong ma-digest.
2. FOOD INTOLERANCE. May ilang pagkain na hirap ang digestive track na tunawin, na nagiging sanhi ng food intolerance. Una na rito ang lactose intolerance na nangyayari ‘pag hirap ang katawan na mag-produce ng enzyme na kailangan upang matunaw ang lactose— ang uri ng sugar na nakikita sa gatas at iba pang dairy products. Dahil dito, kung sa tingin mo ay may food intolerance ka, mabuting kumonsulta sa doktor. Gayundin, inirerekomendang gumamit ng food journal para malaman kung anu-anong mga pagkain ang nakaka-trigger dito.
3. CONSTIPATION. Ang ‘stool’ o poop ay fiber na hindi nada-digest. Ayon sa mga eksperto, ‘pag nanatili ito sa colon nang higit sa 36 hours, patuloy na sinisira o tinutunaw ng bacteria ang fiber, na nagiging dahilan para ilabas ang gas. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na may bowel movement. Dahil dito, inirerekomenda na tutukan ang sanhi ng constipation. Tiyaking nakokonsumo ang sapat kailangang fiber sa isang araw— 25 grams para sa kababaihan, habang 38 grams naman para sa mga lalaki. Gayundin, uminom ng maraming tubig at regular na mag-ehersisyo.
4. GAMOT. Kung mayroon kang bagong medication at napansin mong may kakaibang amoy ang iyong utot, awtomatikong ito na ang dahilan. Sey ng experts, maraming gamot at supplement na nakakaapekto sa paggalaw ng mga pagkain sa iyong digestive tract. Kung hindi mo kinakaya ang epektong ito, alamin sa iyong doktor kung puwedeng bawasan, baguhin o itigil ang pag-inom ng naturang mga gamot. Samantala, bagama’t maliit na side effect lamang ang pag-utot, kung may malala na itong epekto sa araw-araw mong pamumuhay, kailangan mo nang kumonsulta sa iyong doktor.
5. MEDICAL CONDITION. Mahirap umanong tuntunin ang sanhi ng mabahong utot. Pero kung wala namang pagbabago sa iyong diet o medication ngunit nakararanas ka nito, dapat ka nang humingi ng tulong mula sa mga eksperto.
Normal lang naman ang umutot, at kung mabaho man ito, for sure na nabanggit sa itaas ang dahilan.
At ayon sa mga eksperto, kung gusto mo talagang malaman ang espisipikong dahilan nito, mabuting gumamit ng food journal, kung saan dito mo ililista ang lahat ng iyong nakain.
Gayunman, kung nakakaranas ka na ng discomfort, mapa-physical symptoms man ‘yan tulad ng bloating o social awkwardness, mabuti pa ring kausapin ang inyong doktor.
Pero tandaan, pansamantala lang naman ang amoy ng utot at hindi ito dapat ikaalarma. Gets mo?
Коментарі