ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | August 5, 2020
Dear Doc. Shane,
May kaugnayan ba sa uri ng pagkain kaya kinakabag ang tao, o isa itong sintomas ng mas malalang sakit? – Alita
Sagot
Sa kondisyon na kabag, na kilala rin bilang gas pain, ang tiyan ay napupuno ng hangin. Kaya, nakapagdudulot ito ng pananakit sa bahaging ito ng katawan. Dagdag pa rito, karaniwan ding nairereklamo ng mga pasyente na tila palagi silang busog o wala nang lugar pa upang malamnan ng bagong pagkain ang kanilang tiyan.
Kadalasang naituturo ang mga sumusunod bilang mga sanhi ng pagkakaroon ng kondisyong ito:
Pagkaing mayaman sa carbohydrate. May ilang pagkain na mayaman sa carbohydrate na hindi madaling matunaw sa tiyan na tulad ng fermentable oligo-di-monosaccharides and polyols o FODMAPs. Halimbawa: artichoke, pea, asparagus, koliplor, kabute, bawang, sibuyas, barley, rye at wheat.
Pagkaing mayaman sa fiber, tulad ng cereal, bawang, sibuyas, wheat, saging at iba pa.
Matatamis na pagkain at inumin. Halimbawa nito ay ang corn syrup, mansanas, mangga, pakwan, cherry, peras, softdrink at iba pa.
Dairy product tulad ng gatas ng baka, yogurt, keso, krema, sorbetes, butter, custard at pudding.
Bean o legume tulad ng sitaw, bataw at patani.
Mamantikang pagkain. Isa sa mga sanhi ng kabag ay ang mga pagkaing mamantika, tulad ng pritong manok, hamburger, French fries at anumang pagkain na ipiniprito o ginagamitan ng mantika.
Maaalat na pagkain sapagkat ito ay sanhi ng pagkaipon ng tubig sa ilang mga bahagi ng katawan, kasama na ang tiyan. Ang kondisyong ito ay tinatawag na fluid retention. Dahil dito, ang tiyan ay maaaring lumobo o lumaki sapagkat hindi nailalabas ang sobrang tubig sa katawan.
Labis na pag-inom ng alak. Ito ay nagdudulot ng pangangasim sa sikmura. Dahil dito, ang mga lining ng bituka ng tiyan ay maaaring mapinsala at makaranas ng pamamaga. At ang pamamaga ng mga bituka ay maaaring pamahayan ng bakterya, magdulot ng impeksiyon sa tiyan at magresulta sa kabag.
Paninigarilyo. Ang paghithit ng sigarilyo ay nagiging sanhi upang makahigop ng labis na hangin sa tiyan.
Ibang karamdaman. May ilang mga karamdaman sa gastrointestinal tract, na maaari ring magdulot ng kabag. Halimbawa nito ay ang pagkakaroon ng impeksyon sa tiyan, irritable bowel syndrome (IBS), inflammatory bowel disease, Celiac disease, gastroparesis, kanser sa tiyan, at iba pa.
Upang malunasan ang kondisyong ito, maaaring gamutin lamang ito sa bahay sa pamamagitan ng pag-inom ng mga gamot, paglalagay ng heat pad sa tiyan, pag-inom ng tubig at pag-iwas sa mga pagkaing nakapagpapalaki ng tiyan. Subalit kung ang kabag ay dulot ng ibang karamdaman, iminumungkahi na magpakonsulta sa doktor upang malapatan ito ng tamang lunas.
Comentarios