@Editorial | August 17, 2021
Matapos kumpirmahing nakapasok na ang COVID-19 Lambda variant, na sinasabing maaaring mas mabilis makahawa, tiniyak ng gobyerno na hihigpitan pa ang pagpapatupad ng health protocols sa bansa.
Hindi na umano babaguhin ang estratehiya sa pagsugpo sa pandemya, bagkus ay paiigtingin lamang ang implementasyon ng health protocols — pagsusuot ng facemask, palaging paghuhugas ng mga kamay at physical distancing na isang metro.
Paiigtingin din ang malawakang pagbabakuna kontra-COVID sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang mga health protocols sa gitna ng pandemya ay walang ipinagkaiba sa mga batas na ipinatutupad, na kung nasusunod lang sana ay nagiging mas maayos ang sistema at naiiwasan ang malalang problema.
‘Yun nga lang, sadyang hindi nawawala ang mga pasaway. Simpleng pananatili sa loob ng bahay ay hindi magawa. Kahit i-extend pa nang bongga ang ipinatutupad enhanced community quarantine (ECQ), walang mangyayari dahil may mga lumulusot pa rin. Kawawa lang ang mga frontliners.
Sarado nga ang mga establisimyento, subukan mong pumasok sa mga barangay, parang piyesta. Nagkalat ang kabataan, kaliwa’t kanan ang mga tambay, may nagagawa pang tumagay at magsugal. Kani-kanyang pulasan ‘pag nand’yan na ang mga tanod at pulis.
Kung umpisa pa lang ay nauunawaan na ng lahat ang kahalagahan ng lockdown, marahil ay matagal na tayong nakabawi at natutunan na nating sumabay sa sitwasyon. Tipong anumang variant ng COVID ang makapasok, masasabing mas may laban na tayo.
Hindi pa huli, ‘ika nga, hangga’t humihinga, palaging may pag-asa at gamitin natin ito para lumaban at ipaglaban ang ating pamilya laban sa anumang banta ng karamdaman.
Palakasin ang katawan at higit sa lahat, huwag pasaway!
Commentaires