ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 10, 2021
Habang tumatagal ang pakikipaglaban sa pandemya, iba’t ibang hamon ang ating kinakaharap.
Isa na nga rito ang panibagong strain ng COVID-19, na hindi lang isa kundi tatlong bagong strain, na binabantayan ng Department of Health (DOH).
Ito ang inihayag ni Health Undersecretary Rosario Vergeire sa isang virtual press briefing kamakailan. Aniya, ang mga bagong variant ay mula sa United Kingdom, South Africa at Malaysia.
Nasa 300 samples na umano ang kasalukuyang pinag-aaralan sa Philippine Genome Center, na sinasabing unang batch pa lamang kung saan ang mga nakuhang sample ay nagmula sa iba’t ibang rehiyon sa Visayas at Mindanao, upang makita kung may variants na sa mga lugar na ito.
Matatandaang, unang naiulat ang isang Pinay domestic helper ang na-detect sa Hong Kong na positibo sa bagong strain na UK COVID-19 variant.
Dahil dito, agad nagsagawa ng contact tracing ang DOH sa mga nakasalamuha nito sa Cagayan Valley Region at sa pinuntahan sa Maynila.
Samantala, nilinaw ng opisyal na hindi lahat ng variant ay mapanganib. Ito ay dahil normal umano sa virus na magkaroon ng variant, strain at mutation dahil paraan ito para makapag-adapt sila sa paligid.
Talagang sinusubok tayo ng pandemyang ito. Tipong hindi pa tayo nakakabangon, heto at tila pila-pila pa ang mga pagsubok.
Gayunman, sana’y maging paalala ito sa lahat na hindi pa tapos ang ating laban kontra pandemya, gayung muling lumobo ang naitatalang bagong COVID-19 cases matapos ang holiday season.
Kaya naman tayo ay may panawagan, hindi lang sa publiko kundi maging pati sa gobyerno.
Bagama’t dapat naman talagang bantayan ang mga bagong variant ng virus, hindi natin dapat kalimutan ang iba pa nating problema. Kumbaga, dapat balanse ang pagtugon, mapabago o orihinal na variant man ito ng virus.
At tayo namang taumbayan, matutong makinig at sumunod sa mga paalala at babala. Kung tutuusin, paulit-ulit na lang ang sinasabi sa atin, kaya utang na loob, ‘wag nang pasaway.
Tandaan na walang exempted sa sakit na ito, kaya mag-ingat tayo sa lahat ng oras.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentarios