ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | May 23, 2022
Kung kayo ay sumusubaybay sa takbo ng 31st Southeast Asian Games, makikita natin ang patuloy na pamamayagpag at pagkamit ng mga medalya ng mga atletang Pinoy.
Sa kasalukuyan nga, habang isinusulat natin ang kolum na ito, patuloy pa rin ang paghakot ng mga medalya.
Napakalaking karangalan nito para sa Pilipinas. Dito natin makikita kung paanong ibinibigay ng ating mga atleta ang lahat ng kanilang makakaya, talento at galing, makasiguro lang ng karangalan para sa ating lahat.
Tayo po sa Senado ay may isinusulong na panukalang batas para sa kanila - ang pagpapataas ng cash incentives na natatanggap nila sa tuwing sila ay nagwawagi ng medalya sa mga internasyonal na palakasan.
Sa ating Senate Bill 1225, ipinanukala nating itaas sa P400,000 ang kasalukuyang P300,000 cash incentive na natatanggap ng ating gold medalists; P200,000 naman mula sa kasalukuyang P150,000 para sa sa silver medalist at; P100,000 mula sa kasalukuyang P60,000 para sa makasusungkit ng bronze medal.
Kabilang din sa ating panukala ang pagpapataas sa cash incentives na matatanggap ng mga atletang magwawagi sa Asian Beach Games at Asian level competitions na idinaraos kada dalawang taon at nilalahukan ng 25 bansa.
Panukala natin dito na mula P500,000 cash rewards sa gold medalist ay itaas ito sa P600,000; P350,000 naman para sa silver medalist mula sa dating P250,000 at; P150,000 para sa bronze medalist mula sa dating P100,000.
Ang ating mga atleta, para sa kaalaman ng lahat, dumaraan sa napakatindi at 'di birong pagsasanay bago tuluyang sumuong sa laban.
Sa training pa lang, matindi na ang pinagdaraanan nila kaya isipin na lang natin 'yung mas mabigat pang susuungin nila sa mismong araw ng kompetisyon; ang pagbibigay ng lahat ng kakayahan nila, maiuwi lang ang karangalan sa Pilipinas.
Ang hinihiling nating dagdag na insentibo, sa totoo lang, napakaliit na bagay lang n'yan, kumpara naman sa hirap at pagsisikap nilang manalo sa laban. Kaya't bilang pagkilala naman sa pagsisikap nilang ito, dapat ay suklian kahit sa simpleng paraan.
Iba ang dedikasyon ng mga atleta – seryoso, dibdiban at talagang buhos-lakas.
Simpleng rekognisyon at pagpaparangal na tiyak na may positibong epekto sa ating palakasan, at para na rin makahikayat pa tayo ng mga bago pang henerasyon ng manlalaro para sa Pilipinas.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comentarios