ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | October 12, 2022
Kamakailan ipinagdiwang ang Linggo ng Katandaan o Elderly Week. At kasabay ng okasyon, lumabas din ang report na kalahati ng populasyon ng senior citizen ay nahaharap sa panganib ang kalusugan dahil sa kahirapan.
Base ito sa report ng Commission on Population and Development o POPCOM. Lumilitaw sa nasabing report na 30% ang hindi malusog at 86% ang hindi makapagpatingin sa mga doktor dahil sa kawalan ng pera.
At dahil hindi nila maayos ang kalusugan at kahirapan, marami ring senior citizen natin ang bantad sa mga mental disabilities at depression, lalo na 'yung mga balo na at tinamaan ng Alzheimer’s Disease.
Talagang sa mga kapus-palad nating mga senior citizen, kinakailangan natin ngayon ang mas espesyal na atensyon! Mahirap kaya maging lola at lolo na, ha, lalo na’t mahirap na nga'y dinapuan pa ng sakit, 'di bah?
Ikinakatwiran na lang ng ibang mahirap na senior citizen na huwag silang gamutin dahil matanda na rin sila. Pero, sa ganang akin, huwag nating pabayaan ang mga senior.
IMEEsolusyon na nakikita ko para maiwasang magkasakit ang mga senior, agree ako na dapat magkaroon ng komprehensibong programang pangkalusugan sa elderly, kaakibat ng preventive program kontra sa anumang uri ng karamdaman.
Siyempre, malaki ang papel dito ng ating mga LGUs, kaya pakiusap natin na sa bawat barangay o komunidad, magkasa ng mga programang pangkalusugan tulad ng joint planting activity ang mga senior sa bawat barangay. Marapat na maglaan ng bakanteng lote o lugar na pagtataniman ang matatanda.
Puwede ring ibalik na natin 'yung mga ‘zumba’ o pag-eehersisyo kada umaga na siyempre, estrikto pa rin dapat na sumusunod sa mga health protocols na puwedeng gawin sa mga plaza.
Livelihood programs, tulad ng paggawa ng mga handicraft na malilibang ang mga lolo’t lola, kung saan ang magagawa nila ay kanila ring puwedeng ibenta.
Isang beses kada linggo para sa libreng pagpapa-check up ng mga senior citizen sa doctor ng bawat health center sa bawat barangay. At kung maaari rin sana ay mabigyan na sila ng mga libreng bitamina.
Ilan lang 'yan sa mga puwedeng remedy para maprotektahan at maiwasang hindi magkasakit ang matatanda. Ang anumang pisikal na aktibidad na puwede nilang daluhan at pagiging aktibo, iwas na sakit ng kasu-kasuan at iba pang karamdaman, 'di bah!
Comments