top of page
Search
BULGAR

Huwag waldasin ang pag-unlad ng ‘Pinas

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Oct. 18, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Kamakailan ay may naipaskil na video sa Facebook na nakapagbibigay inspirasyon ukol sa isang banyagang may kapansanan at kailangang mag-wheelchair o walker sa araw-araw. Ngunit napagtanto niyang hindi na niya kailangan ng alalay na taga-tulak o taga-buhat. Sa halip, kaya pala niyang bumiyahe nang mag-isa at magmaneho ng kotse. Mag-isa niyang nakukuha ang kanyang wheelchair mula sa likod ng sasakyan at naibabalik doon, habang nakakapit ang isang kamay sa roof rack o ibabaw ng kanyang sasakyan.


May aral ang maiksing palabas na iyon, na hindi kailangang magpagapi sa mahirap na kalagayan o isisi sa kapalaran ang anumang hindi maganda sa kasalukuyan. Na tayo pa rin ay may magagawa para unti-unti tayong mapabuti, gaano man ito kahirap o kasalimuot.


Gaya ng nagigisnan natin sa pandaigdigang balita’t social media, makikita ang pasulong at maginhawang buhay sa napakaraming bansa, sa mga kapitbahay man natin sa Asya o sa iba pang bahagi ng mundo. Samantalang kaunting hakbang lamang sa ating paligid o mismong sa ating harapan ay nakatambad ang pagdarahop ng ating mga mamamayan. 


Hanggang dito na lang ba tayo? Hanggang dito na lamang ba ang Pilipinas na napakaraming biyaya ng Maykapal kung ihahambing sa ibang lupalop ngunit napag-iwanan ng mga bansang hindi man kasinglaki o kasing-sagana sa likas na kayamanan ay may kalidad ng pamumuhay ang mga doo’y naninirahan. 

Hindi naman tayo dehado pagdating sa kaisipan at kakayahan, at gaya ng naipamamalas ng ating magigiting na OFW, kaya nating makipagsapalaran at makipagtagisan ng galing sa mga banyaga.


Lalong kaya nating sama-samang magtulungan sa pagpapabuti ng kalagayan ng ating bayan. Kaya nating bumangon kahit unti-unti, basta desididong kumawala sa pighati. Na hindi maging bihag na lamang ng lugmok na pamumuhay. Na hindi kailangang maging martir o alipin ng kasalukuyang mapait na realidad. O malulungkot na awitin na lamang ang ibibirit sa kalamlaman ng gabi. 


Ang pagbabago nating minimithi ay maaaring makamit at higit pa, kung iwawaksi ang kawalan ng pagmamalasakit, kung hindi manggugulang sa kapwa, kung gagalangin ang oras ng iba, kung hindi pipiliin ang bisyo, at kung tatratuhin ang iba gaya ng ating paggalang sa ating sarili. 


At dahil eleksyon na naman sa susunod na taon, simulan natin ang pagbabago sa pamamagitan ng matalinong pagpili sa mga karapat-dapat maging serbisyo-publiko. Huwag isipin ang utang na loob mula sa naitulong ng sinumang pulitiko kung ito naman ay mula sa kaban ng bayan. 


Kilalanin at pagnilay-nilayan ang napupusuan kung tunay ngang karapat-dapat bukod sa anyo nilang tila mapagpakumbaba’t dalisay ngunit hindi naman pala tunay na makatao at may maitim lamang na balak. Sariwa man o datihang kandidato, sukatin natin ang kanilang kakayanan at abilidad na magsilbi nang buong husay at galing para sa barangay, siyudad o lalawigan, at sambayanan. 


Kung iwawaldas ang boto — sa pagpili man ng mapagsamantala o ganid na kandidato o sa hindi pagsipot sa presintong panghalalan sa takdang araw — para na rin nating kinuha ang ating pinaghirapang kabuhayan at sinunog ito nang walang panghihinayang.  


Kung magiging maayos ang ating nasyonal at lokal na pamunuan, hindi lamang sila maaasahang makapagbibigay ng maagap at mahusay na serbisyo — sila rin ay magsisilbing inspirasyon upang tayo’y magpatuloy sa ating mga gawain, lalo na sa ating mga adhikain para sa pamilya, sa kapwa at sa bayan tungo sa inklusibong pag-unlad ng Pilipinas.

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page