top of page
Search

Huwag puro eleksiyon, trabaho muna

BULGAR

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 11, 2021



Nitong nagdaang mga araw bago nagsimula ang filing ng certificate of candidacy (COC) at certificate ng nomination and acceptance (CONA) para sa darating na halalan ngayong Mayo 2022 ay parang hilong talilong ang marami sa ating mga kababayan.


Napakalayo pa ng eleksiyon, ngunit damang-dama na ng marami ang init ng darating na pagpili ng mga kandidato at lahat ng ating mga kababayan ay nakatutok sa balita at tila nanonood ng teleserye na inaabangan kung ano ang mangyayari.


May mga natuwa, may mga nainis, nadismaya, nagulat at kung anu-ano pang-reaksiyon dahil sa mga pakulo ng mga nagsumite ng kandidatura dahil marami ang talagang kuwalipikado, ngunit hindi maiiwasan na may mga lumalahok din na kinapos naman ng kapalaran.


Medyo nakahinga na ang maraming aspirante dahil tapos na ang filing ng COC, ngunit hindi pa rito nagwawakas ang pag-aabang ng ating mga kababayan dahil ramdam ng marami na magkakaroon pa ng mga pagbabago hanggang sa susunod na buwan.


Itinakda kasi ng Commission on Elections (Comelec) ang Nobyembre 15 na pinakahuling araw na maaari pang magpalit ng kandidato ang partido na tila biglang nauso simula nang maging estratehiya ito ng ilang kandidato.


Ayon kay Comelec chairman Sheriff Abas na sa kabuuan ay naging matagumpay namang nairaos ang pagsusumite ng COC at CONA sa kabila ng napakaraming paglabag sa panig ng mga supporters na hindi alintana ang ipinatutupad ng health protocol na paulit-ulit ipinaalala ng pamahalaan.


Base sa COC daily record ng Comelec ay umabot sa 97 ang nagsumite ng COC para tumakbo sa pagkapangulo, nasa 29 naman ang nais makipagitgitan para maging ikalawang pangulo samantalang nasa 176 naman ang mga nais pumalaot sa kampanya para maging Senador at nasa 270 naman ang party-list at hindi pa umano ito pinal dahil idadaan pa sa deliberasyon.


Damang-dama na ang init ng darating na halalan na kung tutusin ay mahigit sa kalahating taon pa, ngunit kitang-kita na sa paligid ang mga nakabalandrang mga propaganda at maging sa mga pahayagan, radyo, telebisyon ay social media ay nagkalat na ang mga infomercial.


Ngayong tapos na ang filing ng COC ay inaasahang medyo mababawasan ang mga infomercial dahil maaari nang pumagitna ang Comelec dahil sa isinasagawang premature campaigning ng mga nais makauna sa sitwasyon.


Hindi lang pulitiko at mga supporters ang aligaga, dahil maging ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ay nanawagan na sa mas maagang panahon na kung maaari ay gamitin ang internet at social media sa kabutihan ng 2022 elections.


Ayon kay Diocese of Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit, Jr., chairman ng CBCP -- Episcopal Commission on Social Communications, kailangan umano ng ibayong pag-iingat at maging matalino sa paggamit ng internet, social media at huwag basta-basta magpapaimpluwensiya.


Ang iba’t ibang grupo at samahan sa bansa tulad ng fraternity, kababaihan, magsasaka at iba pa ay kitang-kita na rin ang pagkilos dahil sa ito ang panahon upang kahit paano ay mabigyang pansin sila ng mga kandidato para sa kanilang mga karaingan.


Ang hanay ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na ngayon pa lamang ay handang-handa na sa anumang magiging takbo ng papalapit na kampanya ay binalaan ng kani-kanilang pamunuan na huwag kikiling sa kahit kaninong kandidato.


Ganito kaapektado ang iba’t ibang sektor ng lipunan sa paparating na halalan pero muli ay ipinaaalala nating mahigit pa sa kalahating taon bago ang mismong halalan kaya huwag tayong magpadala sa kung anu-anong pahayag ng magkakalabang pulitiko.


Ang panahong ito ay sapat para makapagnilay-nilay at makapag-isip ng tama ang lahat dahil ito lamang ang tamang pagkakataon para maipahayag ng bawat isa ang kanilang saloobin kung sino ang ating pipiliing mamumuno ng bansa.


Alalahanin nating mabuti na ang boto ng pinakamayamang tao sa balat ng lupa at ng pinakamahirap ay parehong iisa lamang kaya marapat lamang na pag-isipang mabuti dahil kapag tayo ay nagkamali ng pagpili ay panibagong anim na taon na naman ang ating ipaghihintay para sa pagbabago.


Kaya huwag tayong magambala sa pulitika tulad ng nangyayari ngayon sa marami nating kababayan dahil sa susunod na taon pa ang eleksiyon may Undas at Pasko pang darating na dapat nating paghandaan para sa ating mga mahal sa buhay.


Dapat ding isipin na pinalawig pa ng Comelec ang pagpaparehistro hanggang katapusan ng Oktubre dahil marami pa sa ating mga kababayan ang hindi pa nakapagpapatala dahil sa pandemya at masasayang, lalo na ang ating boto kung hindi ito maaasikaso.


Malaki pa ang hinaharap ng bansa hinggil sa pandemya, ang tuluy-tuloy na pagbabakuna, ang nalalapit na face-to-face classes, ang pagbubukas ng mga negosyo at marami pang iba na dapat bigyang prayoridad kumpara sa halalan.


Alalahanin nating 90 days lang ang kampanya sa nasyunal, 45 days sa lokal at isang araw lang ang eleksiyon at ang mga sandaling labas sa panahong ito ay dapat na asikasuhin ang trabaho at serbisyo publiko!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page