top of page
Search
BULGAR

Dapat lumikha pa ang gobyerno ng trabahong may malaking suweldo

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | August 27, 2022


Sa kasalukuyan, palawak nang palawak ang trade deficit na nakakaapekto sa takbo ng ating ekonomiya. Sa ating palagay, kailangang-kailangang mapagtuunan ng pansin ng gobyerno ang assessment sa mga industriya at matulungan silang mas lumakas.


Sa ngayon, hindi talaga kagandahan ang lagay ng budget deficit, kumpara sa mga kapitbahay nating Vietnam at Indonesia na may surpluses.


Kamakailan, nakaharap natin sa pagdinig ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship ang Department of Trade and Industry sa hearing ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship sa pangunguna ni Trade Secretary Alfred Pascual.


Sa hearing, nakiusap tayo sa kanila na kung maaari ay busisiin kung nakalilkha ba talaga tayo ng higher paying jobs at higher value industries. Dahil kung hindi, sabi nga natin kay Secretary Pascual, kung hindi ganun ang lumalabas sa mga datos, mas makabubuti sigurong baguhin nila ang sistema. We have to reverse track.


Ayon kay Secretary Pascual, sa ngayon, sinusubukan ng gobyerno na sumabak sa industrialization. Isang paraan ito para masustina natin ang paglakas ng ekonomiya na mas magiging kapakinabangan para sa lahat.


Sabi nga ni Secretary, kung industrialized tayo, mas maraming trabaho ang malilikha, mas darami ang trabahong mataas magpasuweldo at hindi na tayo puro sandal sa remittances ng ating OFWs para mapagalaw ang ekonomiya.


Ipinunto natin sa pagdinig na dapat masilip ang datos ng mga industriya, lalo na 'yung mga pinanggagalingan ng mga produktong ini-export natin para makita natin kung may mga pagbabago ba sa kinikita ng kani-kanilang manggagawa mula noon.


Dapat alam natin kung ano ang galaw ng income sa mga industriya natin, lalo na 'yung masasabi nating malalakas, tulad ng mga nasa processing at value adding. Dito kasi natin malalaman kung nasa tamang landas ba tayo at kung tumataas ba talaga ang per capita income ng industriya.


Siguro naman, marami na ang nakababatid na tayo ay may isinusulong na adbokasiya — ang Tatak Pinoy. Dito, layunin natin na maiangat ang kakayahan ng ating mga lokal na industriya na makalikha ng mga de-kalidad na produkto. Kung magkakagayon, may kakayahan din silang makalikha ng mga trabahong may magandang pasuweldo at tiyak na makatutulong pa sa posibleng pagsabak natin sa industrialization.


Sa palagay natin, nasa tamang paggabay ng gobyerno ang pagpapalakas sa ating mga industriya na sa kalaunan, magiging daan para makapag-produce tayo ng mga high value at complex products. Dito, tiyak na madaragdagan ang ating kita dahil lalakas ang pag-export, darami ang magagawa nating trabaho na disente ang pasahod at tiyak ding hindi na tayo nakasandal masyado sa importasyon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page