by Info @Editorial | Feb. 9, 2025
Bawat eleksyon, wala tayong ibang hangad kundi ang ito’y maging mapayapa at malinis.
Gayunman, hindi pa rin nawawala ang mga tukso. Talamak pa rin ang paggamit ng kapangyarihan at pera kapalit ng boto.
Kaugnay nito, sinabi naman ng Commission on Elections (Comelec) na magsasagawa sila ng mas mahigpit na mga hakbang upang pigilan ang pagbili ng boto, pagbebenta ng boto at maiwasan ang tinatawag na abuse of state resources (ASR).
Sa muling paglulunsad ng Committee on Kontra Bigay, mas malakas na mekanismo na umano ang ipatutupad para matiyak ang integridad ng parating na halalan at maiwasan ang bawal na paggamit ng state resources sa panahon ng kampanya.
Una na ring inilabas ang Resolution No. 11104 na nagpapahintulot sa mga law enforcement personnel na arestuhin ang mga vote buyer at vote seller nang walang warrant kapag sila’y naaktuhan.
Huwag sana tayong magpatukso sa pera at mga pangako na madalas ay napapako naman sa dulo. Tandaan natin, sa bawat botong binibili o ibinebenta, kinabukasan ng ating mga anak ang nawawasak.
Masaklap na ang ilang kandidato na sa desperasyong manalo ay handang magbigay ng pera upang bumili ng boto. Para sa kanila, ang halalan ay isang negosyong may kasamang puhunan, kung saan ang pagkapanalo ay isang produkto na may katumbas na halaga.
Ang halalan ay ‘di dapat maging paligsahan ng mga materyal na bagay. Ang bawat boto ay isang sagradong karapatan at tungkulin na magpasya para sa kapakanan ng nakararami. Magbase tayo sa integridad at kakayahan ng kandidato.
Magtulungan tayo upang tiyakin na ang bawat halalan ay isang malinis at tapat na proseso, at hindi magiging kalakal ang ating mga boto.
Komentar