top of page
Search

Huwag magpabudol: Alamin ang pagkakaiba ng legit sa pekeng pera

BULGAR

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 24, 2022


Nagbabala na naman ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa publiko noong nakaraang araw ng Linggo na mag-ingat sa pekeng pera dahil naglipana na naman sa mga pamilihan ngayong panahon ng Kapaskuhan.


Ayon sa PNP, maging ang pagtaas ng krimen tulad ng snatching, holdup, budul-budol at iba pang klase ng panggagantso ay karaniwang tumataas ang insidente sa tuwing papalapit na ang araw ng Pasko.


Ngunit higit na dapat umanong maging alerto sa pagtanggap ng pera dahil mas madali umanong manlito ng kapwa gamit ang pekeng pera lalo pa kung sa mga siksikang pamilihan o sa mga tindahang maraming namimili isasagawa ang krimen.


Karaniwan ding gumagamit ng pekeng pera ang mga fly-by-night money changer at madalas nilang mga biktima ay mga foreigner at mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na natukso sa taas ng palit na kanilang iniaalok kumpara sa iba.


Dahil sa bilis magbilang ng pera ng mga tao sa mga fly-by-night money changer ay hindi namamalayan ng biktima na naisingit na ang mga pekeng pera sa orihinal na perang kanilang ipinalit.


Isama pa ang modus na karaniwang ginagamit ng sindikato ang pekeng pera sa pagbabayad sa beer house dahil medyo madilim, ganun din sa mga massage parlor na karaniwang ibinabayad sa mga kaawa-awang masahista na nagpakapagod.


Alam ba ninyong umabot na sa P480,000 halaga ng pekeng pera ang nakumpiska ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) mula Enero hanggang Setyembre lamang at hindi pa kabilang dito ang makukumpiska ngayong holiday season na inaasahang mas tataas pa.

Habang ginagawa ng BSP ang pinakamatinding paraan para mawala ang mga pekeng pera sa sirkulasyon ay hindi naman nagpapatalo ang masasamang loob na mag-isip ng bagong estilo para makapanloko gamit ang pekeng pera.


Karaniwang naloloko ay ang mga kababayan nating hindi nila akalain na maging sila ay mabibiktima pa ng pekeng pera dahil sa hindi naman umano halatang peke ang tinanggap nilang pera at hindi sila naging alerto.


Dahil dito ay naglabas ng panuntunan ang BSP kung paano ang tamang paraan para madetermina kung peke ang isang pera o hindi at ito ay ang three-step inspection method na tinawag nilang FEEL, LOOK and TILT.


Kailangang kapain umano at damhing mabuti ang hawak na perang papel para mapatunayang tunay at dapat haguring mabuti ang security paper na kakaiba kumpara sa ibang papel dahil gawa ito sa abaca fiber at medyo eksaherado ang pagkakinis.


Dahil sa embossed prints ng ating pera ay agad na mararamdaman sa pagkapa o paghagod sa mga letra na bahagyang nakaangat at meron ding tactile marks—ito ang dalawang pares ng guhit sa kabilang bahagi ng pera upang kahit ang bulag ay matiyak kung peke ang pera o hindi.


Titigan ang watermarks—dapat makita ang aparisyon ng mukha ng portrait na nasa pera, kapag inilagay ang pera sa ibabaw ng ilaw ay may makikitang imahe sa kanang bahagi ng mukha.


Mayroon ding security fiber na mga linyang parang buhok sa nipis na makikita sa likod at harap ng pera na kulay pula at asul at higit sa lahat ay ang asymmetric serial number na mula sa kaliwa ay may isa o dalawang letra sa una at palaki nang palaki ang numero patungong kanan na anim o pitong numero lamang.


Ang see-through mark ay makikita naman sa ibaba ng kanang bahagi ng pera kung saan matatagpuan ang pinutol na Babaylan script at kapag itinapat ito sa ilaw ay makikita ng buo ang naputol na bahagi at ang ibig sabihin ng script ay PILIPINO.


Ipagpatuloy ang pagtingin sa perang papel sa pamamagitan ng pagtagilid upang makita ang ibang anggulo at dito ay mapapansin natin ang napakaraming pagkakaiba sa pekeng pera.


May security thread din para sa mas maliit na halaga tulad ng ₱20 at ₱50, ito ‘yung vertical line na tumawid sa lapad ng pera at makikita ang linyang ito kapag sinilip na naka-kontra sa liwanag.


Para sa mas malaking halaga, tulad ng ₱100, ₱200, ₱500 at ₱1,000 ang linya ay lumilitaw na may metallic dashes at naaaninag ang halaga ng pera at text na ‘BSP’.


Ang itaas na kanang bahagi ng pera ay makikita rin ang maliit na bersyon ng portrait at kapag sinipat naman sa 45-degree angle ay maaaninag naman ang halaga sa ibabaw ng naturang portrait.


Ang kulay ng ₱1,000 ay nagbabago mula berde patungong asul kung sisipatin sa magkakaibang anggulo at may imahe pa ng kabibe sa South Sea pearl at may color-shifting effect sa kaliwang bahagi ng perang papel.


Sana nakatulong ang mga tip na ito kung paano madedetermina kung peke o hindi ang pera para hindi tayo mabiktima ng mga manloloko.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page