at kooperasyon ng lahat.
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | April 14, 2021
Nitong Lunes, ibinaba sa MECQ o Modified Enhanced Community Quarantine ang NCR Plus areas. Ito ay upang ibalanse ang kapakanan ng ating ekonomiya habang patuloy na pinoproteksiyunan ang kalusugan ng mga Pilipino sa gitna ng kasalukuyang krisis na ating hinaharap.
Ngunit nais nating linawin na hindi ito nangangahulugang magiging kampante na tayo. Ang mga patakaran para limitahan ang galaw ng mga tao upang maiwasan ang pagkalat ng sakit at hindi bumagsak ang health system ay iniimplementa pa rin. May kaunti lamang adjustments upang masigurong hindi aabot sa punto na tuluyang mamatay ang kabuhayan ng mga tao.
Tulad ng ating panawagan, ano pa mang quarantine restrictions ang iimplementa natin, mas importante ang disiplina, pag-iingat at kooperasyon ng lahat. Sumunod tayo sa mga itinakdang health protocols para maging matagumpay ang ating mga hakbang na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 habang ibinabalik ang sigla ng ating ekonomiya.
Binibigyang-diin din natin ang mga apela at rekomendasyon sa gobyerno para matugunan ang mga pangangailangan ng mga Pilipino at mapagaan ang pinapasan nilang hirap ngayon.
Dapat pabilisin ang pagpaparami ng ICU beds at pagtatag ng mga modular hospital, para masigurong sapat ang pasilidad upang gamutin ang mga nagkakasakit lalo na ‘yung malubha ang kalagayan. Dapat din patuloy na suportahan ang mga frontliner, lalo na ang mga healthcare worker, sa buong bansa. Pakinggan at alagaan sila dahil sila ang mga bayani sa laban na ito.
Ayusin at paramihin din ang vaccination centers at pabilisin ang pagbabakuna ayon sa vaccine prioritization list. Magtiwala tayo sa national vaccination program dahil ang bakuna ang susi at solusyon upang makabalik tayo sa normal na pamumuhay. Mas palakasin din ang COVID-19 testing at contact tracing efforts para maiwasan ang lalong hawahan. Hinihingi rin nating mas pabilisin ang pagproseso ng mga serbisyo at payments ng PhilHealth para hindi maantala at mapalawak pa ang operasyon ng mga ospital at health service providers.
Gamitin ang mga teknolohiya na mayroon tayo, tulad ng telemedicine at e-health initiatives, upang maging mas accessible ang healthcare system at makapagbigay agad ng serbisyong pangmedikal sa mga Pilipinong nagkakasakit.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, ang prayoridad ngayon ay makapagligtas ng buhay ng mga Pilipino. Kaakibat ang pagsigurong maiiwasan hindi lang ang sakit, kundi pati rin ang gutom at kahirapan. Kaya dapat maipamahagi nang maayos ang Supplemental Amelioration Program at iba pang uri ng ayuda sa mga itinakdang benepisaryo ng mga programa ng gobyerno.
Hinihikayat natin ang lahat, pribado man o publikong sektor, na siguraduhing ligtas ang mga pinagtatrabahuhan ng manggagawa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga itinakdang guidelines at pag-adopt ng alternative work arrangements. Sama-sama nating ibalik ang sigla ng ekonomiya at kabuhayan sa ligtas na paraan.
Gawin ang lahat para makatulong sa kapwa. Bawal ang papatay-patay ngayon. Kung papatay-patay tayo, mas lalong darami ang mamamatay.
Magtiwala tayo sa ating gobyerno. Pare-pareho lang tayo ng gusto — ang makapagligtas ng buhay at maiahon ang bansa mula sa krisis at kahirapan. Hindi ito panahon para magsisihan kundi panahon ng pagtutulungan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments