top of page
Search
BULGAR

Huwag maging kumpiyansa, ingatan ang sarili laban sa mga kumakalat na sakit

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | December 2, 2023


Tumataas na naman ang mga kaso ng respiratory illnesses gaya ng COVID-like flu sa China gayundin sa USA.


Gaya ng madalas kong sabihin noon pa man na huwag tayong maging kumpiyansa. Kahit patungo na tayo sa pandemic recovery, nand’yan pa rin ang banta ng ibang nakahahawang sakit.


Kaya kung hindi naman magiging sagabal sa parte ninyo, ipinapayo ko bilang chair ng Senate Committee on Health na magsuot pa rin ng face mask. Kung nagawa nating magsuot nito sa loob ng dalawang taon, kakayanin din natin ngayon kahit hindi na mandatory. Importante pa rin na mag-ingat tayo dahil sa mga respiratory illnesses na kumakalat.


Sa ngayon, kahit hindi naman kailangang ibalik ang mandatory na pagsusuot ng face mask, pero ineengganyo ko ang ating mga kababayan na mas makabubuti kung mag-ingat pa rin tayo.


Natutuwa ako na nakikitang marami pa rin naman ang nagsusuot ng face mask sa ngayon.


Kung mayroon kayong nararamdaman sa inyong katawan ay agad na kayong magpa-checkup. Sa mga lugar na mayroon ng Super Health Center, magpakonsulta na agad kayo para sa early detection kung ano ang inyong sakit at mapigilan ang paglala. Kaya natin isinulong na magpatayo ng SHC ay para mailapit sa inyo ang serbisyo medikal ng gobyerno. Matutulungan din kayo ng Malasakit Center sa inyong hospital bill.


Bilang chair ng Senate Committee on Health, kaya natin pinagsusumikapang maparami ang mga health facilities ng gobyerno ay para ilapit natin ang serbisyo medikal sa ating mga kababayan lalo na sa mga sitwasyon na tulad nito para hindi na maulit ang nangyari noong pumutok ang pandemya na nabulaga tayo, na halos bumagsak ang ating healthcare system at nahirapan ang ating mga healthcare workers.


Nananawagan naman ako sa DOH na mahigpit na i-monitor ang sitwasyon sa ibang bansa kung saan kumakalat ang iba’t ibang sakit. Huwag nating hayaan na magkaproblema tayong muli at baka bumalik na naman sa pagsasara ng ating ekonomiya. Habang bumabalik na tayo sa dating sigla ng ating ekonomiya, mag-ingat pa rin tayo. Mas importante sa akin ang kalusugan ng bawat Pilipino. Ang katumbas ng kalusugan ay buhay ng bawat isa. Kung kinakailangan nating magpatawag ng pagdinig sa Senado ay gagawin natin para malaman ang plano at preparasyon na gagawin ng DOH.


Sa parte ko, lagi kong inuuna ang pagpapalakas at pag-i-invest sa ating healthcare system. Marami tayong isinusulong sa Senado gaya ng mga panukala para magtayo ng Center for Disease Control o National Disease Prevention Management Authority, at ang Virology Science and Technology Institute para maisabatas ang mga ito dahil importante na maging laging handa tayo.


Bukod dito, pinoprotektahan din natin at sinusuportahan ang ating healthcare workers.


Muli tayong nanawagan sa DOH at sa Department of Budget and Management na ibigay na agad ang kanilang unpaid COVID-19 Healthcare Emergency Allowance.


Napagtrabahuhan na nila ito, nagsakripisyo sila at ang iba ay nagbuwis pa ng buhay kaya marapat lang na ibigay na sa kanila ang para sa kanila. Kung may pondo ang gobyerno, unahin itong mga healthcare workers natin. Hindi naman natin mararating itong kinatatayuan natin ngayon kung hindi dahil sa ating mga frontliners, at sa kanilang naging sakripisyo.


Samantala, tuluy-tuloy ang paghahatid ng serbisyo ng inyong Senator Kuya Bong Go sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa. Nasa Bohol tayo noong November 29 at nag-inspeksyon sa itinayong sports complex sa Candijay na ating sinuportahan kasama ang kapwa ko mga senador at lokal na pamahalaan. Matapos ito ay ininspekyon din natin ang itinayong Super Health Center, sa Candijay pa rin. Naging panauhin din tayo sa ginanap na 169th Candijay Foundation Day. Pinasalamatan natin ang mga opisyal sa lugar tulad nina Gov. Aris Aumentado, Vice Gov. Dionisio Victor Balite, Cong. Alexie Tutor, Candijay Mayor Thamar Olaivar at Vice Mayor Toper Tutor, at iba pang mayors, vice mayors at opisyal ng mga karatig na bayan.


Noong November 30, dumalo rin tayo sa pagsisimula ng Bicameral Conference Committee ng General Appropriations Bill o House Bill 8980 kasama ang mga kapwa natin mambabatas para talakayin ang panukalang batas para sa magiging budget ng ating bansa sa 2024. Mahigpit nating ipinaglaban dito ang mga karagdagang pondo para sa sektor ng kalusugan at sports.


Matapos ito ay naging panauhin naman tayo sa ginanap na 48th Institute of Integrated Electrical Engineers of the Philippines Annual National Convention na ginanap sa Pasay City. Sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Malabon City kasama si Mayor Jeannie Sandoval. Namigay din tayo ng kaunting grocery packs para sa mga indigents sa lugar.


Dumalo rin tayo sa ginanap na 2nd NCR Senior Citizens Stakeholders Summit 2023 sa Pasay City.


Iba-iba man ang sektor na ating nakasama, nagpahayag ako ng suporta sa kanila para matulungan at maprotektahan ang kanilang kapakanan.


Masaya ko namang ibinabalita na kahapon, December 1, ay idinaos na ang turnover ceremony ng multi-purpose building, day care centers at isang multi-purpose vehicle sa Brgy. Malabog, Paquibato District, Davao City. Ang mga nabanggit na proyekto ay ating isinulong na mapondohan noon.


Nakarating naman ang aking team sa iba’t ibang komunidad para maghatid ng tulong sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis. Namahagi tayo ng tulong sa mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog sa Davao City gaya ng 27 sa Barangay 23-C; at 12 pa sa Barangay Pampanga, Buhangin District.


Natulungan din ang mga nawalan ng hanapbuhay kabilang ang 645 sa Roxas, Oriental Mindoro katuwang si Mayor Leo Cusi; 180 sa Victorias City, Negros Occidental katuwang si Konsehal Derek Palanca; 96 sa Masbate City kasama si Board Member Alan Cos; at 500 sa Hagonoy, Bulacan katuwang ang opisina ni Majority Leader Senator Joel Villanueva. Nabigyan din ang mga benepisyaryo ng pansamantalang trabaho ng Department of Labor and Employment.


Naayudahan natin ang 15 mahihirap na residente ng Malungon, Sarangani, na nakatanggap din ng livelihood kits mula sa Department of Trade and Industry.


Nakiisa rin tayo sa pamamahagi ng Pamaskong Handog, kasama si Councilor Mikey Belmonte, sa ilang mga residente ng Quezon City. Namahagi tayo sa kanila ng ilang bola, t-shirts, at cellphone pop sockets.


Sa mga aral na natutunan natin sa pandemya ay napakaimportante na lagi tayong handa, one step ahead at higit sa lahat ay patuloy na nag-iingat para pangalagaan ang ating kalusugan. Uulitin ko na huwag tayong maging kumpiyansa. Maging disiplinado tayo at magmalasakit tayo sa ating kapwa para protektado ang buhay ng bawat isa sa ating komunidad.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page