ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | August 28, 2022
Nais kong ipahatid ang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng nagpaabot ng mensahe at panalangin para sa aking mabilis na paggaling sa COVID-19.
Nakakataba ng puso ang inyong mga aksyon.
Matapos ang ilang araw ng isolation ay nagnegatibo na ang inyong lingkod sa antigen test.
Patuloy tayong nagpapaalala na nariyan pa rin ang COVID-19, kung kaya’t kailangan pa rin nating pag-ibayuhin ang pag-iingat at pagpapanatiling malusog ang ating katawan at kaisipan.
☻☻☻
Sa kabilang banda, nakalulungkot na kasama ang asin sa mga produktong kailangang i-import ng ating bansa.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), nakararanas ngayon ng kakulangan ng asin sa mga pamilihan.
Hindi sapat ang produksyon nito sa ating bansa at kinakailangan mag-import upang mapunan ang demand nito, hindi lamang para sa pagkain, kundi pati na rin ng commercial at industrial sectors.
Ayon pa sa DA at least kalahating bilyong piso ang kakulangan ngayon sa produksyon ng asin sa bansa.
Dagdag naman ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc., inaangkat ng bansa ang 93% ng kailangang asin nito.
☻☻☻
Isang kabalintunaan na nag-aangkat ang Pilipinas ng asin, lalo na at napaliligiran tayo ng dagat na pangunahing pinagkukunan ng asin.
Hinihimok natin ang awtoridad, lalo na ang DA at Department of Trade and Industry (DTI), na muling palakasin ang industriyang ito at maghikayat ng mga mamumuhunan upang magdala ng modernong teknolohiya.
Nais ding nating tingnan ang ASIN law o Republic Act 8172, upang makita ang mga kinakailangang amyenda para mas makatugon ito sa nagbabagong panahon.
Hindi tayo tutol sa paglalagay ng iodine sa asin, dahil nakatutulong ito sa ating kalusugan, ngunit kailangang suportahan din ang maliliit na manggagawa ng asin, lalo na at parte sila ng ating kasaysayan, kultura at tradisyon.
Tututukan din natin ang pambansang budget, upang masigurong may kakayahan tayong palakasin ang sarili nating industriya ng asin.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments