ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 4, 2022
Tulad ng nagdaang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., kung saan binanggit niya na masusing pinag-aaralan ng administrasyon ang K to 12 system, nais nating bigyang-diin ang ating priority measures sa sektor ng edukasyon na sumusuporta sa mga programa at polisiyang pang-edukasyon ng administrasyon.
Inihain natin ang Proposed Senate Resolution No. 5 na nagsusulong ng pagrepaso sa pagpapatupad ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o K to 12 Law (Republic Act No. 10533). Sakop ng nasabing pag-aaral ang paghain ng mga solusyong mag-iibayo sa pagpapatupad ng batas, lalo na’t dumarami ang bilang ng mga Pilipinong hindi kuntento sa sistema ng K to 12.
Matagal na ring ipinananawagan ng inyong lingkod na dapat umakyat ang ranggo ng Pilipinas sa mga international rankings pagdating sa Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM). Kung matatandaan natin ang naging resulta ng Trends in International Mathematics and Science Study (TIMMS) 2019, 13 porsyento lamang ng mga mag-aaral sa Pilipinas na nasa Grade 4 ang nakaabot ng minimum benchmark sa Math, samantalang 19 porsyento lamang ang nakaabot ng minimum benchmark sa Science.
Dahil sa mahalagang papel ng mga guro sa pagkatuto ng mga mag-aaral, hinihimok natin ang administrasyon na tiyakin ang ganap at maayos na pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713) na layong mag-aangat ng kalidad ng teacher training at education sa bansa.
Inihain din natin ang Senate Bill No. 476 o ang Equitable Access to Math and Science Education Act na magtatatag ng mga math at science high school sa bansa, lalo na sa mga probinsya, kung saan wala pa nito.
Pagdating naman sa pangangailangan ng mga kabataan sa internet connectivity, mga computer at mga gamit para sa pag-aaral, muli nating isusulong ngayong 19th Congress ang pagpapaigting ng digital transformation sa basic education sector. Noong 18th Congress ay inihain natin ang Senate Bill No. 383 o ang Digital Transformation in Basic Education Act pati na ang Senate Bill No. 474 o ang One Learner, One Laptop Act na layong makapagbigay ng laptop sa bawat mag-aaral ng K to 12 sa mga pampublikong paaralan.
Tiyak na makikipagtulungan tayo sa administrasyon upang tiyaking maihahatid natin sa bawat kabataang Pilipino ang dekalidad na edukasyon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Commentaires