top of page
Search

Hustisyang sigaw ng mga biktima, malabo pang makamit

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Jan. 3, 2025



ISSUE #339


Maraming karumal-dumal na krimen ang araw-araw na lamang natin nababalitaan, maging sa telebisyon, social media at mga pahayagan. 


Minsan, hindi na natin mawari kung ano ang tumatakbo sa isipan ng ilan sa ating mga kababayan na nagagawang manakit ng kapwa at iba pang karahasan. 


Paano rin nila nagagawang kumitil ng mga inosenteng buhay? Ano nga ba ang saysay sa mga mali nilang gawain?


Ang kuwento na ibabahagi namin sa araw na ito ay ang kasong Tommy Cariño a.k.a. “Tommy Echavez” vs. People of the Philippines (G.R. No. 256856, August 12, 2024), sa panulat ni Kagalang-galang na Supreme Court Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen. Tatlong biktima na sina Marlon, Solidad at Virginia – bigla na lamang kinitil ang kanilang buhay ng mga salarin na hindi lubusang nakilala. 


Sama-sama nating tunghayan kung ano ang malagim na sinapit nila at kung paano pinagpasyahan ang kasong ito hanggang sa Kataas-taasang Hukuman.


Tatlong magkakahiwalay na paratang para sa krimen na murder ang kinaharap ni Tommy para sa pamamaslang sa mga biktima na sina Marlon, Solidad at Virginia. Ang kanyang kapwa-akusado na si Junefer ay nanatiling “at-large”. Kung kaya’t siya lamang ang nalitis sa hukuman.


Naganap ang pamamaslang sa mga biktima noong ika-1 ng Pebrero 2012 sa Talisay City, Cebu. Meron diumanong pagtataksil o treachery, malinaw na paghahanda o evident premeditation at pagsasabwatan sa pagitan nina Tommy at Junefer sa kanilang pananambang at pamamaslang sa mga nabanggit na biktima.


Ang pangunahing saksi sa krimen na ipinrisinta ng tagausig sa hukuman ay si Barangay Councilor Chan ng Barangay San Roque, Talisay City. Si SPO1 Espina na miyembro ng Philippine National Police at nakatalaga sa Talisay City Police Office at Atty. Sesbreño na asawa ng biktima na si Virginia na tumayo rin bilang testigo para sa tagausig.


Diumano, bandang alas-3:25 ng hapon, noong ika-1 ng Pebrero 2012 ay binabaybay ni Barangay Councilor Chan, kasama sina Barangay Tanod Labajo, Constantino at Icot, ang SRP Road sa Talisay City. Sila ay nakasakay diumano sa barangay multicab na minamaneho ni Teo. Noong sila ay panandaliang nakahinto sa kanto ng SRP Road at Rabaya Street ay nakarinig diumano sila ng walong putok ng baril na nagmula umano sa bandang likuran. Napatingin diumano si Barangay Councilor Chan sa kanyang kanan at nakita ang dalawang lalaki na riding-in-tandem. Wala umanong mga helmet ang dalawa at ang motorsiklo ay wala ring plaka. Papunta umano sa direksyon nila Barangay Councilor Chan ang nasabing motorsiklo. Nakita rin diumano ni Barangay Councilor Chan ang isang puti na Isuzu DMAX pick-up truck na may layong dalawampung metro sa kanilang likuran.


Tumigil diumano ang naturang motorsiklo sa likod ng barangay multicab, lumihis patungo sa bangketa at tumalilis ng takbo. Patungo umano ito sa direksyon ng Cebu City. 


Nakita rin umano ni Barangay Councilor Chan ang backride na nagpalit ng magazine ng baril. Sinubukan diumano nila na habulin ang nasabing motorsiklo ngunit umatras sila pagdating sa Evergreen Memorial Park nang tutukan diumano sila ng baril ng backride.

Bumalik diumano sina Barangay Councilor Chan sa kanto ng SRP Road at Rabaya Street at natagpuan ang mga biktima na sina Solidad, Virginia at drayber na si Marlon. Nabawi umano sa pinangyarihan ng krimen ang anim na walang laman na bala ng caliber .45, isang deformed slug, isang caliber .40 na baril, dalawang magazines, at isang cellular phone. 


Sa ballistic examination ay lumabas diumano na galing sa nakalap na baril ang mga nakalap na walang laman na bala at deformed slug.


Noong ika-2 ng Pebrero 2012 ay inimbitahan diumano ni SPO1 Espina sa himpilan ng pulis si Barangay Councilor Chan at mga kasamahan nito. Dahil nahuli umano ng dating si Barangay Councilor Chan, si Barangay Tanod Icot diumano ang nagbigay ng paglalarawan ng backride para sa cartographic sketching. Ipinakita umano nina SPO1 Espina at PO2 Sefuesca kina Barangay Councilor Chan ang nagawang cartographic sketch, kabilang na ang higit sa isang daan na larawan ng mga naaresto mula sa rogue gallery ng kanilang himpilan at itinuro umano ng naturang saksi si Tommy bilang backride at Junefer bilang drayber ng motorsiklo na sangkot sa pananambang.


Nakilala umano ni Barangay Councilor Chan si Tommy bilang backride dahil halos isang metro lamang ang layo nito mula sa likod na bahagi ng multicab. 


Nagkatinginan pa umano sila nang magpalit ng magazine ang backride. Nakasuot diumano si Tommy ng sumbrero at sunglasses. Hindi umano makalimutan ni Barangay Councilor Chan ang mukha ni Tommy sapagkat siya umano ay isang shooter at miyembro ng gun club, tulad ng biktima na si Marlon. 


Nakita na lamang umano muli ni Barangay Councilor Chan si Tommy noong ika-26 ng Pebrero 2012 sa hiwalay na kaso para sa illegal possession of firearm. Ginagamot diumano sa ospital noon si Tommy at nahirapan si Barangay Councilor Chan na makilala ito dahil namamaga ang mukha nito.


Mariin naman na itinanggi ni Tommy ang mga paratang laban sa kanya. Diumano, siya ay nagbabantay ng kanyang mga anak sa kanilang bahay noong araw ng sinasabing insidente. Nang dumating diumano ang kanyang ina bandang hapon noong araw na iyon ay lumabas siya upang bumili ng sigarilyo at naglakad-lakad sa Barangay Lagtang, Talisay City. Nakita niya umano si Mark, ang Kapitan ng Barangay at niyaya pa umano siya nito ng inuman ng alas-6:00 ng gabing iyon. Sila umano ay nag-inuman hanggang gabi at nalaman na lamang niya na isinangkot siya sa kaso ng pamamaslang noong siya ay nakulong na. Iginiit din ni Tommy na hindi niya umano kilala si Barangay Councilor Chan at ang mga tanod na kasamahan nito.


Batay sa testimonya ni Kapitan Mark, kababatang kaibigan niya si Tommy at pinsan ng kanyang ina. Nakita niya umano si Tommy na nakaupo at naninigarilyo sa tindahan sa baba ng kanilang bahay bandang ala-1:00 ng hapon noong ika-1 ng Pebrero 2012. 


Makalipas ang isang oras ay nagsimula na umano sila na mag-inuman ng kanyang grupo. Sumali umano sa naturang inuman si Tommy bandang alas-7 ng gabing iyon.


Sa Joint Decision na ipinalabas ng RTC, hatol na conviction ang iginawad kay Tommy para sa tatlong bilang ng homicide. Binigyan ng pananalig ng mababang hukuman ang testimonya ni Barangay Councilor Chan sa pagkilala nito kay Tommy bilang salarin sa krimen. Gayunman, hindi umano napatunayan ng tagausig ang mga sirkumstansya ng treachery at evident premeditation. 


Parusa na pagkakakulong ng walong taon, bilang minimum, hanggang labing-limang taon, bilang maximum, ang ipinataw kay Tommy. 


Siya ay pinagbabayad din sa mga naulila ng bawat biktima ng P50,000.00 bilang civil indemnity, P50,000.00 bilang moral damages, at P25,000.00 bilang temperate damages.

Naghain si Tommy ng kanyang apela. Ang hatol ng RTC na conviction ay pinagtibay ng Court of Appeals, Cebu City (CA Cebu City), ngunit binago ang halaga na kailangang bayaran ni Tommy sa mga naulila ng mga biktima na P50,000.00 bilang civil indemnity, P50,000.00 bilang moral damages at P50,000.00 bilang temperate damages. 

Ipinag-utos din ng hukuman ng mga apela ang pagpapataw ng 6% bawat taon na interes sa lahat ng danyos, mula sa araw na maging pinal ang nasabing desisyon hanggang sa mabayaran ito nang buo ni Tommy.


Naghain si Tommy ng Motion for Reconsideration, ngunit hindi ito ipinagkaloob ng CA Cebu City. Kung kaya’t naghain siya ng Petition for Review on Certiorari sa Korte Suprema. 

Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan S.A. Aguipo-Luna mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU) Visayas, iginiit ni Tommy na mali ang ibinabang hatol sa kanya sapagkat merong mga makabuluhan na katotohanan at sirkumstansya na hindi binigyang-pansin ng RTC. 


Ang hukom din diumano na nagpasiya sa kanyang kaso at ang hukom na naglitis sa kanyang kaso sa mababang hukuman ay magkaiba.


Kasama na iginiit ng depensa na mali ang desisyon ng CA Cebu City sapagkat hindi umano kapani-paniwala at merong materyal na pagkakaiba ang mga testimonya ni Barangay Councilor Chan. Partikular, sa sinumpaang salaysay diumano ni Barangay Councilor Chan ay sinabi nito na nakita niya si Tommy na binaril ang mga biktima habang sakay ng motorsiklo, gayung sa kanyang direkta na testimonya ay sinabi umano nito na nakarinig lamang siya ng mga putok ng baril at hindi niya alam kung saan ito nagmula o saan ito nakatuon. Sa kanya ring naging pahayag sa cross-examination, sinabi umano ni Barangay Councilor Chan na hindi niya nakita ang larawan ng drayber ng motorsiklo mula sa rogue gallery, taliwas sa naging pahayag ni SPO1 Espina na kinilala umano ni Barangay Councilor Chan at mga kasamahan nito ang backride at drayber ng motorsiklo na tumambang sa mga biktima. 


Lubhang hindi rin umano kapani-paniwala na nakita ni Barangay Councilor Chan ang mukha ng bumaril. Kung isasaalang-alang diumano na si Tommy ay residente ng nasabing lugar, lubhang imposible na hindi siya magsusuot ng helmet upang ikubli ang kanyang mukha at pagkakakilanlan. Walang-saysay din diumano na gumamit pa siya ng motorsiklo na walang plaka kung ilalantad din lamang niya ang kanyang mukha. Masasabi rin diumano na nabawasan ang abilidad ni Barangay Councilor Chan na makilala ang backride kung siya ay nakatuon sa baril at sa pagpalit ng magazine nito. Hindi rin umano kapani-paniwala ang sinasabi ni Barangay Councilor Chan na sila ay nagkatinginan ng naturang backride ng mata sa mata kung isasaalang-alang diumano ang mabilis na mga pangyayari at ang tuon ng naturang salarin sa pagpapalit ng magazine ng kanyang baril.


Giit pa ng depensa, malaki umano ang posibilidad na magkamali ng pagkilala si Barangay Councilor Chan sa salarin sapagkat iyon lamang ang unang pagkakataon na nagkita sila ng naturang backride. Diumano, dapat ding bigyang-puna ng hukuman ang hindi pagbibigay ni Barangay Councilor Chan ng paglalarawan ng backride at drayber ng motorsiklo gayung sinabi nito na nakita niya ang mukha ng dalawa.


Dagdag pa ng depensa, ang out-of-court identification na isinagawa ng mga pulis ay lubhang depektibo sapagkat ito ay kakikitaan ng hindi pinahihintulutan na pagmumungkahi o impermissible suggestion. 


Inamin diumano ni Barangay Councilor Chan na nakilala niya si Tommy sa pamamagitan ng cartographic sketch, bagay na hindi umano ipinirisinta sa hukuman. 


Ang nasabing sketch din ay batay sa paglalarawan na ibinigay ni Barangay Tanod Icot, ngunit maging siya man ay hindi umano ipinrisinta sa hukuman. Kung kaya’t hindi umano dapat isantabi ang posibilidad na gawa-gawa lamang ng mga pulis ang nasabing cartographic sketch, lalo na’t nabanggit diumano ni SPO1 Espina na ang naturang cartographic sketch ay merong pagkakahawig sa larawan ni Tommy na nasa tala ng kanilang himpilan.


Maliban sa mga ito, giit ng depensa na hindi sapat ang circumstantial evidence na ipinrisinta ng tagausig para mahatulan si Tommy sapagkat ang mga pinanggalingan diumano ng mga ito ay hindi napatunayan, self-serving at hindi kapani-paniwala na testimonya lamang ni Barangay Councilor Chan. 


Sa kabuuan, hindi umano napatunayan ng tagausig na si Tommy ang salarin sa krimen, kung kaya’t dapat umano na siya ay ipawalang-sala.


Sa muling pagsusuri at pag-aaral sa kaso ni Tommy, ipinaalala ng Kataas-taasang Hukuman, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Supreme Court Senior Associate Justice Leonen, na ang una na dapat mapatunayan nang higit pa sa makatwirang pagdududa sa bawat kasong kriminal ay ang pagkakakilanlan ng salarin. Kaugnay nito, mahalaga umano na gumamit ng ibayong pag-iingat ang hukuman sa pagtanggap ng ebidensiya patungkol sa pagkilala sa salarin mula sa natatanging saksi o sole witness sapagkat sa naturang pagkilala lamang diumano tanging nakasalalay ang magiging pagpapasya ng hukuman. Alinsunod umano sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong People vs. Teehankee, Jr., upang angkop na mapagpasiyahan ng hukuman ang pagtanggap ng out-of-court identification sa mga suspek ay sinusunod ang totality of circumstances test na merong mga sumusunod na factors: 


(1) The witness' opportunity to view the criminal at the time of the crime; (2) the witness’ degree of attention at that time; (3) the accuracy of any prior description given by the witness; (4) the level of certainty demonstrated by the witness at the identification; (5) length of time between the crime and the identification; and, (6) the suggestiveness of the identification procedure.”


Sa pagsasaalang-alang ng mga nabanggit na pamantayan, hindi umano kumbinsido ang Korte Suprema na lubos na napatunayan ng tagausig ang pagkakakilanlan ng salarin. 

Una, hindi umano binigyang-pansin ng mga mababang hukuman ang hindi pagbibigay ng paglalarawan ni Barangay Councilor Chan ukol sa backride. 


Ibinatay lamang umano ng naturang saksi ang pagturo kay Tommy bilang salarin bunsod ng cartographic sketch na ipinakita sa kanya ng mga pulis – cartographic sketch na hindi man lamang umano ipinrisinta sa hukuman bilang ebidensiya. 


Maging si Tanod Icot na siyang nagbigay ng paglalarawan na pinagbatayan ng nasabing

cartographic sketch ay hindi rin umano ipinrisinta sa hukuman. Nagdulot din diumano ng pagdududa sa isipan ng Kataas-taasang Hukuman kung ang pagkilala ba ni Barangay Councilor Chan sa salarin ay batay sa kanyang malaya at pansariling pagkakaalala sa pangyayari o kung naimpluwensyahan na ng naturang sketch sa pagkakaalala niya sa mukha ng salarin.


Ayon din sa Korte Suprema, hindi umano lubos na naipaliwanag ng testigo ng tagausig na si SPO1 Espina kung sa paanong paraan nila isinagawa ang pagpapakita kina Barangay Councilor Chan nang higit sa isang daan na larawan mula sa rogue gallery ng kanilang himpilan. 


Maging ang mga naturang larawan ay hindi umano ipinrisinta sa hukuman. Kapuna-puna rin umano sa Korte Suprema ang pagkakasalungat ng testimonya ni SPO1 Espina, na nakilala umano ni Barangay Councilor Chan at mga kasamahan nito ang backride at drayber ng motorsiklo mula sa rogue gallery at testimonya ni Barangay Councilor Chan, na hindi umano niya nakita ang larawan ng drayber mula sa rogue gallery. 


Ang pagkakasalungat na nabanggit ay nagpapakita umano ng posibilidad ng pagkakamali sa pagkilala ni Barangay Councilor Chan sa salarin. Hindi man lamang din ipinrisinta sa hukuman ang apat na kasamahan ni Barangay Councilor Chan na nakasaksi rin sa krimen.


Hindi rin umano maisantabi ng Korte Suprema na mabilis ang mga naging pangyayari sa naturang insidente ng pamamaril at na meron lamang limitado na oportunidad si Barangay Councilor Chan na maobserbahan ang itsura ng mukha ng backride. Ang atensyon ni Barangay Councilor Chan sa baril at sa pagpapalit ng magazine at ang kagyat na sandali na nasa likod ng multicab ang motorsiklo ng mga salarin ay mga sirkumstansya na nakabawas diumano sa atensyon ni Barangay Councilor Chan upang lubos niya na makilala ang backride.


Kung kaya’t para umano sa Korte Suprema, merong makatwirang pagdududa sa ginawang pagkilala ni Barangay Councilor Chan kay Tommy bilang salarin sa pananambang at pamamaslang kina Marlon, Solidad at Virginia. Sapagkat wala umanong ibang ebidensiya na nag-uugnay kay Tommy sa krimen na ipinaparatang laban sa kanya ay kinakailangan diumano na siya ay ipagpalagay na walang sala, alinsunod sa ipinag-uutos ng ating Saligang Batas.


Dahil sa mga nabanggit, minarapat ng Kataas-taasang Hukuman na baliktarin at isantabi ang desisyon at Resolusyon ng CA Cebu City at ipawalang-sala si Tommy. 


Ang desisyon na ito ng Korte Suprema ay naging final and executory noong Agosto 12, 2024.


Ang hustisya na nakamit ng isang panig ay maaaring mangahulugan na hindi pagkamit ng hustisya para sa kabilang panig. 


Sa kuwento na ito, natanggap ni Tommy ang hustisya na nararapat para sa kanya dahil hindi napatunayan ang kanyang pagkakasala. Subalit, hindi pa nakakamit ng mga biktima at kanilang mga naulila ang hustisya na para naman sa kanila. 


Ang mga totoong may-akda ng krimen ay hindi pa rin nagbabayad sa mata ng ating batas, lalo na sa batas ng langit. Kaya naman, ang mga daing mula sa hukay ay nananatiling walang patid. 


Nawa ay hindi sila tumigil sa pananalangin. Ang bawat dasal ng mga naulila ay hindi nawawaglit sa pakikinig ng Ama nating nasa langit. Hindi man nakamit sa ngayon ng mga nasabing biktima ang hustisya sapagkat ang pagkakakilanlan ng mga salarin ay hindi naitaguyod nang higit pa sa makatwirang pagdududa, naniniwala at nananalig kami na darating din ang araw na masisiwalat ang buong katotohanan sa kanilang pagpanaw. Hindi kami nawawalan ng pag-asa, may awa ang ating Ama. At, kung hindi man sa mundong ito matanggap ng mga totoong salarin ang kaukulang parusa, sa kabilang buhay ay tiyak na lubos na pagpaparusa ang mararanasan nila.

Recent Posts

See All

ความคิดเห็น


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page