ni Lolet Abania | October 4, 2022

Hustisya ang hinihingi ng pamilya ng broadcaster at kolumnistang si Percy Lapid matapos na mapatay ito, Lunes ng gabi sa Las Piñas City.
Sa isang statement sa Facebook, nagpahayag ng labis na pagdadalamhati at galit ang pamilya dahil sa pagpatay kay Lapid, kung saan tinawag nilang “brutal and brazen” habang hiling nila ay katarungan para sa broadcaster.
“We strongly condemn this deplorable crime; it was committed not only against Percy, his family, and his profession, but against our country, his beloved Philippines, and the truth,” saad ng pamilya ni Lapid.
Inilarawan nila si Percy bilang isang, “beloved by many and highly respected by peers, fans and foes alike. His bold and sharp commentaries cut through the barrage of fake news over the air waves and social media.”
Nasawi si Lapid matapos na pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Talon Dos, Las Piñas City nitong Lunes ng gabi.
Ayon sa mga awtoridad, papasok na sa isang subdivision si Lapid bandang alas-8:30 ng gabi sa Aria Street nang pagbabarilin ng dalawang lalaking sakay sa motorsiklo.
Batay naman sa mga nakasaksi, isang SUV ang bumangga muna sa likuran ng sasakyan ng biktima saka ito tinabihan ng mga naka-motorsiklo. Agad ding tumakas ang mga suspek.
Samantala, kinondena naman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang naganap na insidente habang nanawagan sa Philippine National Police (PNP) na arestuhin at papanagutin ang mga suspek sa pagpatay kay Lapid.
Sa ngayon, ayon sa PNP bumuo na sila ng isang special investigation task force upang tukuyin ang mga salarin at alamin ang motibo ng mga ito sa pagpatay sa broadcaster.
Nagsimula na rin ang pulisya na mangalap ng CCTV footages para sa agarang pagresolba ng insidente.
Comments