ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | March 9, 2023
Mariin nating kinukondena ang pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 8 iba pang indibidwal nitong nakaraang Sabado, Marso 4.
Napatay si Gov. Degamo nang sugurin siya sa kanyang bahay ng mga armadong lalaki na may suot na pixelized uniforms habang nagpapamigay siya ng ayuda sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
☻☻☻
Nababahala tayo, sapagkat pang-apat na ang nangyari kay Gov. Degamo sa mga kamakailang kaso ng pananambang sa loob lamang ng 15 araw, mula Pebrero 17 hanggang Marso 4.
Bukod kay Gov. Degamo, naging biktima rin si Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr. Habang nakaligtas siya at nagtamo ng ibang sugat, apat sa kanyang security detail ang sa kasamaang-palad ay namatay.
Si Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at 5 pa niyang kasama ay napatay habang bumabiyahe sa Bagabag, Nueva Vizcaya. Si Datu Montawal, Maguindanao Mayor Ohto Montawal naman ay nasugatan sa hiwalay pang ambush attempt.
☻☻☻
Kaugnay ng sunud-sunod na krimeng ito, kasama tayo sa mga naghain ng Senate Resolution No. 517 na kumukondena rito.
Sa pamamagitan ng resolusyong ito, hinihimok din namin ang mga awtoridad na gawin ang lahat ng makakaya upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng mga karumal-dumal na krimeng ito.
Kasama rin sa panawagan natin ang patuloy na pagtaguyod ng batas upang maprotektahan ang kapakanan ng sambayanang Pilipino.
☻☻☻
Nitong Martes, Marso 7, sinimulan na natin ang pagdinig ng Committee on Tourism, kasama ang Committee on Sustainable Development Goals, Innovation, and Futures Thinking tungkol sa mga nauulat na kaso ng paglapastangan sa Masungi Georeserve.
Gaya ng nasabi ko sa hearing, hindi pagtuturuan ang habol natin sa imbestigasyon.
Ang nais natin ay malaman kung ano ba talaga ang problema at kung bakit ito nananatili dahil saka lamang natin maiisipan ng solusyon kung nakikita natin ang buong larawan.
Asahan n’yo na magiging masigasig tayo sa pag-abot ng layunin na ito para mapanatili natin ang Masungi at iba pa nating protected areas.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments