top of page
Search
BULGAR

Hustisya sa rider na nasagasaan, nagkalasug-lasog dahil sa malubak na kalsada

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 25, 2024


Lasug-lasog ang katawan ng isang motorcycle rider matapos masagasaan ng isang tractor head na may trailer, kamakalawa sa may southbound lane ng Mel Lopez Boulevard sa Jacinto Street, Tondo, Maynila.


Namatay noon din ang biktimang si Danilo Malinao, nasa hustong edad, at driver ng Rusi motorcycle na may plate no. 791 QZR at taga-Santa Rosa I, Marilao, Bulacan.


Sa imbestigasyon ng Manila District Traffic Enforcement Unit-Vehicle Traffic Investigation Section (MDTEU-VTIS), naganap ang insidente alas-9 ng umaga sa nabanggit na lugar.


Nabatid na binabagtas ng biktima ang kahabaan ng southbound lane ng Mel Lopez Boulevard at pagsapit sa may panulukan ng Jacinto St. ay nasadlak ang motorsiklo sa isang malalim na lubak dahilan para matumba ito sa sinasakyang motorsiklo.


Dahil sa pagkakatumba ay nawalan ng pagkakataon ang biktima na bumangon kaya inabutan siya ng kasunod niyang tractor head na may trailer at may plate number: RDX 102 / BUA 2248 na minamaneho naman ni Dave Buenaventura, taga-Mulawi, Orani Bataan kaya’t nasagasaan ang biktima na nakatumba sa kalsada na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.


Sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property ang suspek sa Manila Prosecutors Office. 


Kung sa ibang bansa naganap ang ganitong aksidente, tiyak na umaapaw ang benepisyong ibibigay sa mga naiwan ng biktima lalo pa at may malaking partisipasyon ang malalim na lubak na naging dahilan ng kanyang kamatayan. Samantalang dito sa ating bansa, wala kang mahihitang benepisyo mula sa gobyerno at posibleng sisihin pa ito sa hindi pag-iingat sa kalsada.


Kung hindi dahil sa naturang lubak ay buhay pa sana ang rider dahil hindi naman siya magugulungan ng napakalaking sasakyan kung hindi siya natumba dahil sa lubak, na kung naging responsable lamang ang mga kontratista ng naturang kalye na lagyan ng tapal o ayusin ang lubak o kahit babala man lamang ay hindi dapat naganap ang aksidente at maagang kamatayan ng nabanggit na rider.


Dahil nangyari na ang kinatatakutang aksidente ay wala na munang sisihan, basta tiyakin lang sana ng kinauukulan na hindi na mauulit ang nangyari sa simpleng kapabayaan lamang.


Hindi natin batid kung ang biktima ay padre de pamilya o kaya ay inaasahan sa pamilya, na bumubuhay ng mga kapatid, na hindi sana nasawi kung naging responsable ang mga nakakasakop sa pinangyarihan ng insidente.


Alam naman nating lahat na lubhang napakadelikado ang magmaneho ng motorsiklo na nadaragdagan pa ng mga ganitong kapabayaan kaya mas lalong tumataas ang bilang ng mga nasasawi dahil sa motorsiklo.


Maraming pagkakataon nang napatunayan na puwedeng mag-ingat sa pagmamaneho ng motorsiklo ngunit kahit anong pag-iingat kung ganito kasama ang kondisyon ng kalsada ay parang lalo nating sinasadyang patayin ang mga rider.


Dapat ay managot sa pangyayaring ito ang mga responsable sa kalsada at dapat na umaksyon dito upang hindi na maulit pa. Sa ibang bansa, awtomatikong sinasagot ng gobyerno ang mga ganitong klaseng aksidente, kahit ‘yung mga nahuhulog na naglalakad lang at biglang napahakbang sa bukas na manhole ay inaako ng pamahalaan.


Maging ang mga opisyal ng barangay ay dapat managot sa kapabayaang ito dahil hindi nila na-monitor ang malalim na lubak na dapat ginawan nila ng paraan upang hindi na daanan pa.


Kung trabaho ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH), dapat na kasama sa kanilang binabantayan ang kaligtasan ng mga motorista.


Huwag nating bitawan ang pangyayaring ito, kawawa naman ‘yung biktima.


Tandaan natin na ang teoryang sumemplang ang rider dahil sa malubak na kalsada ay mismong nasa imbestigasyon ng pulisya at hindi natin haka-haka lang.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page