ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | March 17, 2023
Ngayong buwan ng kababaihan, may mga bayani sa sambahayan na sa gitna ng kanilang pagdadalamhati sa walang kasing sakit na sinapit ng kanilang mga anak ay tumitindig upang ipaglaban ang kamatayang sinapit ng mga ito sa mga kamay ng pumaslang sa kanila.
Ang mga bayaning ito ay mga inang ninakawan ng anak na kanilang minumutya – mga ninakaw na buhay, tuwa, at pangarap na kailanman ay hindi na maibabalik pa.
Isa sa mga bayaning ito ang ilaw ng tahanan na si Gng. Leny M. Baguio ng Mariveles, Bataan.
Aniya, “Sobrang sakit. Wala nang hihigit pa sa lahat ng pagsubok sa akin. Hindi lang ako tinanggalan ng karapatan maging ina, inalis pa sa akin ang karapatan kong mabigyan siya ng magandang kinabukasan at maging ang pangarap namin ay nawala lahat.
“Nag-iisa lang siyang anak ko. Wala akong ibang hangad kundi mabigyan siya ng magandang kinabukasan at sana may aalalay sa aking pagtanda. Walang katumbas na halaga ang kalungkutan ng pagkawala ng anak ko dahil habambuhay na akong mangungulila sa kanya at kahit kailan hindi ko na siya makakasama.”
Lumapit si Gng. Leny sa Public Attorney’s Office (PAO) upang humingi ng libreng legal assistance hinggil sa pagpanaw ng 20-anyos niyang anak na si Ronnel M. Baguio. Si Ronnel ay namatay sa isang ospital sa Cebu noong Disyembre 19, 2022. Sa paglapit ni Gng. Leny sa PAO, malinaw ang kanyang dahilan at ito ay upang makasuhan ang mga kasapi sa isang fraternity na pinaniniwalaang maysala sa pagpanaw ni Ronnel sa malupit at hindi makataong paraan. Isa sa mga gusto niyang papanagutin sa batas ay ang isang miyembro nito na kausap diumano ni Ronnel sa Messenger na tungkol sa pagsasailalim diumano ni Ronnel sa initiation rites ng nabanggit na fraternity.
Mga screenshot ang nagsisilbing katibayan ni Gng. Leny sa nasabing pag-uusap. Ayon sa kanya, naganap ang initiation rites noong Disyembre10, 2022. Nalaman niya ito dahil nakausap niya ang boardmate ni Ronnel na nagsabing hindi umuwi ng boarding house nung huli mula noong Disyembre 10, 2022.
Noong parehong araw, nakausap ni Gng. Leny ang kanyang anak. Kinamusta niya ito at sumagot si Ronnel na okay lang siya, pero ayaw nitong makipag-video chat sa kanya.
Sinabi rin ni Ronnel na nahihilo siya at para siyang sinisikmura. Pinayuhan ng ina ang anak na magpacheck-up at baka anemic siya. Noong Disyembre 18, 2022, pinagtapat ni Ronnel sa kanyang ina na sumuka siya ng dugo, pero kaunti lang. Sinabihan naman siya ni Gng. Leny na magpacheck-up at magpapadala siya ng pera para sa kanya. Pagkatapos noon ay wala na silang pag-uusap ni Ronnel, subalit may natanggap siyang chat at call galing sa isang kaibigan ni Ronnel. Sinabi niya na nasa critical condition si Ronnel at kailangan tubuhan.
Nang nalaman ni Gng. Leny ang nasabing balita, umalis siya agad ng Bataan, at habang nasa bus, naghanap siya ng flight papuntang Cebu para makasama ang kanyang anak.
Nung madaling-araw ng Disyembre 19, 2022, nakatanggap si Gng. Leny ng tawag mula sa isang doktor na nagsabi na nire-revive na diumano si Ronnel. Pagdating niya ng Cebu, hindi na niya naabutan na buhay ang kanyang anak. Ani Gng. Leny, “Pinuntahan ko ang anak ko sa morgue at du’n ko nakita na may mga pasa at sugat siya sa binti at hita. Nag-picture ako ng katawan ng anak ko, lalo na sa mga sugat na natamo niya. Nagtanong din ako sa doktor kung ano ang dahilan at bakit may mga pasa ang anak ko at ang sabi niya na may posibilidad na na-hazing siya.”
Pinayuhan si Gng. Leny ng isang doktor sa ospital sa Cebu na pinagdalhan kay Ronnel na ipa-autopsy ito, na siya naman niyang ginawa. Ang conclusion sa autopsy report ay: “The cause of death is ACUTE KIDNEY INJURY sec. to RHABDOMYOLYSIS sec. to BLUNT TRAUMATIC INJURIES TO THE LOWER EXTREMITIES.”
Sa ospital, napag-alaman ni Gng. Leny na nag-report ang mga taga-ospital sa pulis dahil sa mga natamong sugat ni Ronnel. Pinapunta siya ng mga ito sa nasabing police station dahil nandu’n diumano ang report sa nangyari sa kanyang anak. Pagdating du’n, ni-refer siya sa isa pang police station sa Cebu dahil ‘yun diumano ang nakasasakop sa boarding house at unibersidad na pinapasukan ni Ronnel. Habang nasa Cebu, at sa pagpunta niya sa boarding house na tinutuluyan ni Ronnel, may nakausap siya na nagsabing bago diumano namatay si Ronnel, may tatlong araw na hindi ito umuwi. Bumalik na lang ng boarding house si Ronnel noong Disyembre 12, 2022.
Pag-uwi ni Gng. Leny sa Bataan, nabuksan niya ang file manager ng cellphone ni Ronnel, at may nakita siyang screenshot ng conversation ni Ronnel, isa sa diumanong instructor nito sa eskuwelahang kanyang pinapasukan sa Cebu, bago naganap ang hazing/initiation rites. Ang nasabing instructor, tulad ng mga guro ay itinuturing na pangalawang magulang ng mga estudyanteng ipinagkatiwala sa kanila. Sa nangyari kay Ronnel, kung may matibay na mga ebidensiya na magpapatunay ng kanyang koneksyon sa pagkamatay ni Ronnel ay haharapin niya ang bangis ng batas.
At ang mga fraternity na nais salihan ng mga tulad ni Ronnel, upang sila ay kandiliin bilang kapatid, ngunit naging mitsa ng kanilang maagang pagkawala sa mundo ay walang karapatang manatili bilang organisasyon na binibigyang puwang sa komunidad at lipunan. Ang bagay sa fraternities na pumapatay at nakapatay ay i-abolish.
Automatically terminated dapat ang registration sa Securities and Exchange Commission. Walang karapatan ang fraternities na ito na kilalanin bilang legal na asosasyon dahil ang kanilang grupo at bumubuo ng kanilang grupo ay may bahid ng dugo at may mga inutang na buhay. Ang layunin ng isang samahan ay upang maging katuwang ang mga miyembro nito para sa ikabubuti ng kanilang mga kalagayan, hindi ang maging dahilan ng pagkitil sa kanilang hiram na buhay. Napakabata pa ni Ronnel at marami pa sana siyang magiging ambag sa lipunan at organisasyon sana niyang sinalihan, kung hindi siya napatay ng sarili niyang kasama sa kapatiran.
Kaya naman maging aral sana ito sa mga namamahala sa mga kapatiran na hindi kailangan ng pananakit para tanggapin ang bawat gustong sumali sa kanila. Bagkus, dapat maging katuwang sila tungo sa isang maayos na kinabukasan. Kapag hindi nila kayang gawin ito, wala silang karapatan para manatili bilang isang organisasyon at marapat na managot sa batas.
Ang bangkay ni Ronnel sa hukay ay dumadaing at humihingi ng hustisya laban sa biglang kamatayan at kahirapan.
Opmerkingen