ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo |Pebrero 1, 2023
Hindi nababayaran ang lungkot na malayo sa sariling pamilya. Para sa mga overseas Filipino workers (OFWs), mas nanaisin nilang magtrabaho na lang sa ating bansa. Ngunit kailangan nilang makipagsapalaran sa ibang bansa para mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanilang pamilya at makatulong din sa ating ekonomiya. Sa lahat ng sakripisyo nila, nakakalungkot na sila pa ang nagiging biktima ng karahasan.
Nakikidalamhati tayo sa mga naiwang mahal sa buhay ng kababayan nating si Jullebee Ranara.
Dumalaw tayo sa kanyang burol sa kanilang tahanan sa Las Piñas City noong Lunes, January 30.
Personal nating ipinaabot ang ating pakikiramay sa kanyang asawa, mga magulang at mga kapamilya. Si Jullebee ang OFW sa Kuwait na pinaslang diumano ng anak ng kanyang amo. Natagpuan ang kanyang mga labi sa disyerto sa nasabing bansa.
Inihahanap natin ngayon ng katarungan ang kanyang sinapit. Nakakalungkot ang pinagdadaanan ng pamilya ngayon ni Jullebee. Nagpapakahirap siya sa ibang bansa para makapagbigay ng makakain sa kanyang pamilya rito sa Pilipinas, tapos ay ganito ang kahahantungan ng kanyang sakripisyo na mawalay sa kanyang pamilya. Idinidiin kong dapat justice must be served sa kasong ito.
Sa aking pagbisita, nagbigay ako ng kaunting suporta at ipinarating ko sa kanila na handa ang aking opisina na tulungang tugunan ang pangangailangan ng pamilyang naulila sa abot ng aming makakaya.
Nagkataon naman na naroon din sa lamay si Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople at Overseas Workers Welfare Administration Chief Arnel Ignacio. Habang nandu’n kami, nakapanayam din kami nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Pastor Apollo Quiboloy sa programang “Gikan sa Masa, Para sa Masa” ng SMNI. Nakiramay sila at nagpadala ng kaunting tulong si Tatay Digong sa pamilya ni Jullebee, at inimbita rin sa Davao City.
Ayon kay Tatay Digong, nalulungkot siya na nangyari ang ganito kay Jullebee. Para sa kanya, dapat makamit ang katarungan. Binanggit din niya na malaking bagay ang pagdamay naming mga nasa gobyerno sa pamilya ni Jullebee dahil kailangan ng mga ito ang aming pagmamalasakit sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.
Kasunod ng nangyari kay Jullebee, agad tayong nanawagan na rebisahin at palakasin pang lalo ang mga polisiya ng ating pamahalaan sa pagtatalaga at pagprotekta sa ating mga OFW. Umapela rin tayo sa bagong tatag na Department of Migrant Workers (DMW) na tutukan ang pag-usad ng kanyang kaso. Ito pong DMW ay pangarap natin noon na naisakatuparan na para may departamento na agad tutugon, mangangasiwa at mag-aasikaso tuwing may ganitong kaso.
Isa tayo sa may-akda at nag-co-sponsor ng bersyon sa Senado ng Republic Act 11641 na lumikha sa DMW para matiyak ang mabilis at maayos na paghahatid ng mahahalagang serbisyo ng gobyerno sa ating mga manggagawang Pilipino sa labas ng ating bansa.
Hindi na magtuturuan pa ang mga ahensya ng gobyerno kung alin sa mga ito ang lalapitan kapag may problema ang mga OFWs dahil nar’yan na ang DMW na tututok sa kanilang pangangailangan.
Malapit sa aking puso ang mga OFW. Itinuturing natin silang mga bagong bayani kaya dapat lang na makuha nila ang serbisyo at suportang nararapat. Kaya sa nangyari kay Jullebee, magkahalong kalungkutan at galit ang aking nararamdaman. Bilang isang senador at kapwa Pilipino, hindi tayo dapat pumayag na mangyari ito sa ating kababayan.
Pangatlong beses na ito sa nakaraang anim na taon na may kababayan tayong pinatay sa Kuwait.
Kung inyong matatandaan, noong 2019 ay pinaslang si Jeanelyn Padernal Villavende ng kanyang employer. Noong 2018, natagpuan ang bangkay ni Joanna Demafelis sa isang abandonadong warehouse. Hindi dapat nangyayari ang ganito, hindi dapat palampasin, at kailangang protektahan nating mabuti ang ating mga manggagawang nasa ibang bansa.
Tingnan dapat nang mabuti ang mga kasunduan, alamin kung sino ang salarin, dumaan ba sa tamang proseso ang pag-recruit sa mga kababayan natin, at ano’ng pagkukulang ang nangyari para humantong sa ganitong trahedya ang kanilang buhay?
Noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, matapos ang sinapit ni Jeanelyn ay nag-isyu si Tatay Digong noong January 2020 ng temporary ban sa deployment ng OFW sa Kuwait at tiningnang mabuti kung ano ba ang dapat nasa kasunduan para maproteksyunan ang bawat karapatan ng Pilipino — nasaan man sila sa mundo.
Ganundin noong 2018 dahil sa nangyari kay Joanna. Nag-offer ang ating pamahalaan nang mga panahong ‘yun ng voluntary repatriation ng ating mga OFWs na nasa nasabing bansa. Nilagdaan naman noong May 11, 2018 ang isang memorandum of agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait bilang bahagi ng pagsisikap na mawakasan ang patuloy na paglabag ng mga Kuwaiti employers sa karapatang pantao ng ating mga OFWs na naninilbihan sa kanila.
Sa ngayon, suportado ko naman ang mga pagsisikap ng bagong administrasyon para mabigyan ng hustisya ang kaso ni Jullebee. Buo ang aking tiwala sa DMW, Department of Foreign Affairs (DFA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang ahensyang nangangasiwa rito. Mahalagang gumawa ng sapat na mga hakbang ang pamahalaan para matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawang Pilipino na mas piniling mahiwalay sa kanilang pamilya para hanapin ang oportunidad sa labas ng ating bansa.
Mga kapwa ko Pilipino, sama-sama tayo sa paghahangad ng hustisya para sa ating kababayan.
Tulungan natin ang bawat Pilipinong nagsusumikap na magtrabaho upang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanilang pamilya. Magsilbi tayong lakas ng bawat isa upang proteksyunan ang kapwa natin Pilipino laban sa pang-aabuso at mga nagsasamantala, saanmang parte ng mundo.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments