top of page
Search
BULGAR

Hustisya makakamit nga ba kung ang biktima ang siyang maysala

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 10, 2024

Sa bawat krimen na humahantong sa isang kamatayan tulad ng kasong homicide o murder – hustisya ang tanging daing ng lahat ng mga naulila ng biktima.


Gayunman, paano nga ba ang wastong panukat sa salitang hustisya kung ang pagkitil sa buhay ng naturang biktima ay dulot mismo ng kanyang kasalanan?


Sa kasong ating ibabahagi, ating silipin kung paano ginamit ng hukuman ang tinatawag na kamatayan o pisikal na pinsalang natamo sa ilalim ng mga pambihirang pagkakataon na matatagpuan sa Artikulo 247 ng ating Kodigo Penal o Revised Penal Code.


Sa kuwentong hango ng kasong nahawakan ng ating tanggapan, ating silipin kung paano natulungan ng tamang aplikasyon ng nasabing batas ang isa sa ating mga kliyente na itago na lamang natin sa pangalang John.


Bilang pagbabahagi, sa kasong People v. Merle na nagkaroon ng entry of judgment noong ika-26 ng Hunyo 2024, pinal na natuldukan ang daing ni John nang siya ay pinawalang-sala ng hukuman para sa mga apela o Court of Appeals sa kasong pagpatay o murder sa naturang biktima na itago na lamang natin sa pangalang Karlo.


Ayon sa bersyon ng tagausig, ika-9 ng Hulyo 2020 nang saksakin ni John si Karlo sa dibdib na siyang nagdulot sa pagpanaw nito. Iniharap ng tagausig ang saksi na itago na lamang natin sa pangalang Violy, biyenan ng nasasakdal na si John at siyang ina ng kanyang asawa na itatago na lamang natin sa pangalang Elise.


Ayon sa salaysay ni Violy, aniya ay matagal nang hiwalay sina John at Elise. Bandang alas-7 ng gabi noong ika-9 ng Hulyo taong 2020 nang dayuhin aniya ni John si Elise. Agad kinapanayam ni John si Violy at Elise kung saan nagpaalam na makikipag-inuman ang mag-inang Violy at Elise sa mga kasamahan nito sa pagkakaingin, kasama na rito si Karlo.


Ilang sandali pa ay dumating na sila Karlo na may dala-dalang isang bote ng lambanog.


Si John ay pumuwesto muna sa isang sulok ng bahay hanggang sa nahimok na rin siyang makibahagi sa kanilang munting salu-salo, at mabilis na umikot ang tagay.


Bandang alas-10 ng gabi nang mapansin ni Violy na pauwi na sana si Karlo. Subalit napansin nito na lango na siya sa alak, kaya nagtungo muna ito sa papag upang doon ay makapagpahinga.


Makalipas ang 30 minuto, biglang tumayo si John at dinampot ang patalim na nakapatong sa mesa. Pagkatapos noon, lumapit si John sa papag na kinahihigaan ni Karlo at walang anu-ano ay ibinaon ang hawak niyang patalim sa kaliwang dibdib ng biktima. Sa isang iglap, tumambad kay Violy ang duguang katawan ni Karlo.


Ayon naman sa panig ng nasasakdal na si John, hindi niya inakala na masasaksak niya si Karlo. Paliwanag niya, nadala lamang siya ng bugso ng kanyang damdamin, sapagkat nahuli niya si Karlo na kasiping ang kanyang asawa na si Elise. Aniya, gawain na ni Karlo na ihatid-sundo si Elise sa tuwing sila ay magkakaingin.


Sa katunayan, alas-3 ng madaling araw ay gumagayak na si Elise upang sumabay sa sasakyan ni Karlo papunta sa bukid.


Noong ika-9 ng Hulyo 2020, muling sinundo ni Karlo si Elise mula sa kanilang tahanan. Tulad ng kanilang nakagawian, wala pang bukang-liwayway ay nagpaalam na si Elise sa bahay nila. Kinagabihan, sadyang hindi mapalagay si John sa bahay. Balisa sa kalagayan ng kanyang asawa, pagpatak ng alas-8 ng gabi minabuti niyang dalawin ang kanyang biyenan sa pagbabakasakaling naroon ang kanyang asawa.


Pagdating ni John sa bahay ni Violy, natagpuan niya si Elise na inihahanda ang hapag-kainan. Aniya, kung hindi pa niya dinayo si Violy, hindi pa niya matutuklasan ang balak nilang makipag-inuman kina Karlo. Dahil naroroon na rin ang mga kainuman nina Violy at Elise, wala nang nagawa pa si John kung hindi hintaying matapos ang kanilang salu-salo.


Makalipas ang ilang oras ay nakita ni John na humiga si Karlo sa may papag. Ilang saglit pa ay nakita niyang lumapit si Elise sa papag para punasan ng bimpo na binasa sa maligamgam na tubig ang katawan ni Karlo, at pagkatapos ay pinulbuhan pa ni Elise si Karlo.


Sa puntong iyon, hinimok na ni John si Elise na umuwi sa kanilang bahay ngunit nagmatigas ang kanyang asawa at sinabihan pa siyang umuwi na lamang mag-isa. Tumugon naman si John ng, “Ano ka ba naman, pinaghintay mo pa ako rito,” sabay labas ng bahay.


Bagaman umalis siya nang walang paalam, wala namang balak si John na iwan si Elise sa bahay ni Violy. Lumabas lamang siya saglit upang silipin ang kabayo niya na itinali malapit sa kanyang bahay. Pero, laking gulat niya nang bumalik siya sa bahay ni Violy at naabutan niyang hubo’t hubad na nakapatong ang kanyang asawa sa wala ring saplot na si Karlo.


Sa kanyang pagkagitla ay napasigaw na lamang siya ng, “Bakit ako ay inyong niloloko!” Pero, sa halip na humingi ng tawad, tinuya-tuya pa ni Karlo si John at iminungkahing paghatian na lamang nilang dalawa si Elise. Agad namang sinipa ni Karlo si John na para bang nanlilibak.


Sa labis na galit at pagseselos, nagdilim na lamang bigla ang paningin ni John at hindi niya na namalayan na sa sobrang sama ng loob ay nasaksak niya si Karlo.


Pinatotohanan ng anak nila John at Elise, na itatago na lamang natin sa pangalang Jenny, ang ibinigay na salaysay ng kanyang tatay.


Giit ni Jenny, lingid sa kaalaman niya, may kalaguyo ang kanyang nanay na ibang lalaki. Aniya, madalas niyang nahuhuling naglalambingan at magkahawak-kamay sina Elise at Karlo. Nababasa rin niya ang palitan ng mensahe ng dalawa kaya ay alam niyang nagsasabi sila ng “I love you” sa isa’t isa. Aniya, agad ipinagtapat ng kanyang tatay sa kanya na siya ang sumaksak sa biktima.


Matapos ang paglilitis, hinatulan si John ng Regional Trial Court (RTC) sa ikinaso sa kanyang pagpaslang o murder. Mas kinatigan ng RTC ang salaysay ni Violy, at aniya napunan ang lahat ng rekisito upang masabi na ang pagpaslang ay isang murder. Dahil dito inapela ni John ang kanyang kaso sa Court of Appeals.


Ikinatwiran ni John na saklaw ng Artikulo 247 ang mga kaganapan noong gabing nasaksak niya si Karlo. Aniya, naudyukan lamang siya nang nag-uumapaw na poot at pagkamuhi sa ginawa nina Elise at Karlo, kaya naman hindi na siya nakapagpigil at nadampot niya ang patalim sa mesa. Pinuna rin ni John ang kaduda-dudang mga salaysay ni Violy sa mga pangyayari ng gabing iyon.


Katulad ng ating naunang nailahad, pinal nang pinawalang-sala si John ng Court of Appeals ng baliktarin nito ang naging hatol sa kanya ng mababang hukuman. Ayon sa Court of Appeals, mas kapani-paniwala ang naging mga salaysay ni John.


Batay sa Court of Appeals, hindi maituturing na murder sapagkat sa kabuuan diumano ay mas tugma sa kalipunan ng katibayan ang paglalarawan ni John sa mga pangyayari. Mababatid mula sa paraan ng pagpatay at sa biglaang paggamit ni John sa patalim na hindi naman niya pagmamay-ari na bunga lamang ng pagkagitla ang ginawa niyang pananaksak kay Karlo.


Sa pananaw ng hukuman, batay sa inihaing katibayan ng magkabilang panig, ‘di hamak na mas kapani-paniwala na naudyukan lamang nang nag-uumapaw at panandaliang galit si John kaya niya nasaksak si Karlo.


Kaya naman sumasang-ayon ang Court of Appeals na hindi napatunayan ng tagausig ang treachery kaya hindi tama na mahatulan at maparusahan si John para sa salang murder.


Bukod sa nabanggit, angkop din ang aplikasyon ng Artikulo 247 ng kodigo penal. Ang Artikulo 247 ay hindi tumutukoy sa anumang paglabag sa ating kodigo penal. Sa halip, ito ay halimbawa ng isang “absolutory cause” o itinakdang gawain o asal na hinihirang na sapat na batayan upang pagaanin ang parusang ipapataw o sa kaso ni John.


Samakatuwid, ang Artikulo 247 ay tumutukoy sa kaloob na pagkakataon sa sinumang makapagbibigay ng katanggap-tanggap na katuwiran upang mahimok ang hukom na, sa kabila ng pag-amin ng nasasakdal sa kanyang kasalanan, karapat-dapat siyang hindi maparusahan.


Upang matamasa ang kaalwanan mula sa kaparusahan na pangkaraniwan ay ipinapataw sa sinumang kumitil ng buhay ng iba, pasan ng nasasakdal na pumaslang sa kasiping  ng kanyang asawa, ang tungkulin na patunayan: (1) na nahuli niya ang kanyang asawa (legally married) na nakikipagtalik sa iba; (2) na napatay o nasaktan niya ang kanyang asawa o kalaguyo ng kanyang asawa o silang dalawa habang nagtatalik o kaagad pagkatapos noon (immediately thereafter); at (3) na hindi ibinugaw o binigyan ng pahintulot ng nasasakdal ang kanyang asawa na magtaksil sa kanya.


Alinsunod sa detalyadong salaysay ni John at ng kanyang anak na si Jenny, malinaw na napatunayan ang mga nabanggit na rekisito para sa aplikasyon ng nasabing probisyon ng batas. Dahil dito, bagaman totoong nakapatay ang naging kliyente natin na si John, siya ay nararapat na mapawalang-sala sa mga nabanggit na kadahilanan.


Gayunman, hindi natin maiwawaksi sa ating mga isipan na sadyang nakakalungkot pa rin ang sinapit ng pamilya ni John. Sa isang iglap, dahil sa isang pagkakamali –  hindi lamang daing mula sa hukay ng biktima ang masasabing siya rin ang salarin, bagkus at higit sa lahat ay ang habambuhay na sugat na dulot ng pagkawasak ng taong nabubuhay katulad nila John.


Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page