top of page
Search
BULGAR

Human Trafficking Preventive Education, isulong para iwas karahasan ang kabataan

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | January 19, 2021



Sa gitna ng paglala ng suliranin ng bansa kaugnay ng online sexual exploitation of children (OSEC) ngayong panahon ng pandemya, muli nating isinusulong ang pagkakaroon ng komprehensibong “Human Trafficking Preventive Education Program” upang protektahan ang kabataan sa iba’t ibang anyo ng human trafficking.


Kung maaalala ninyo, nagbigay tayo ng babala tungkol sa ulat ng mga mag-aaral na nagsasagawa ng ‘Christmas sale’ ng malalaswang larawan at videos upang makalikom ng panggastos sa kanilang pag-aaral. Ang iba sa mga larawang ito ay ibinebenta sa halagang P150.


Sa Senate Bill No. 735 o ang Human Trafficking Preventive Education Program Act, isinusulong ng inyong lingkod ang programang magpapaigting sa kaalaman ng kabataan tungkol sa mga panganib ng human trafficking, kabilang ang prostitusyon at pornograpiya. Layunin din ng naturang panukalang-batas na magbigay ng kaalaman tungkol sa proteksiyon at mga programang nanggagaling sa pamahalaan at mga non-government organizations.


Ipatutupad ang programang ito sa mga paaralan, kabilang ang mga junior high school, senior high school, mga kolehiyo at mga pamantasan, at mga technical o vocational education programs. Bukod dito ay ipapanukala rin ang naturang programa sa mga barangay.


Noong nakaraang taon ay naitala ang paglobo ng sexual exploitation sa kasagsagan ng pagpapatupad ng mga lockdown dulot ng pandemya. Mula Marso 1 hanggang Mayo 24, mas mataas ng 264 porsiyento ang mga kaso ng online exploitation of children na iniulat ng National Center for Missing and Exploited Children (NCMEC) sa Department of Justice (DOJ) Office of Cybercrime kung ihahambing sa parehong panahon noong 2019.


Ngunit bago pa nagkaroon ng COVID-19, itinuring na ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) ang Pilipinas na global epicenter ng live stream sexual abuse trade. Ayon din sa naturang ahensiya, walo sa 10 batang Pinoy ang nanganganib makaranas ng online sexual abuse o bullying.


Dahil sa mga hamong idinulot ng pandemya, mas marami sa kabataan ngayon ang nanganganib na maging biktima ng online sexual abuse o cybersex trafficking. Maliban sa pagpapaigting ng ating pagtugis sa mga kriminal, mahalagang hakbang na maturuan natin ang kabataan tungkol sa kanilang karapatan at sa mga panganib na dulot ng trafficking upang hindi sila mabiktima ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, mahalaga na ating matugunan at masolusyunan ang suliraning ito upang mapanatili ang kaligtasan at maprotektahan ang kinabukasan ng kabataang mag-aaral. Sa edukasyon lahat ito nagsisimula.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page