top of page
Search
BULGAR

Huli sa akto ang mister at kasambahay

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 31, 2021


Dear Sister Isabel,


Sana ay palagi kayong nasa mabuting kalagayan at panatag ang isipan upang marami pa kayong matulungan sa paglutas ng problema sa buhay ng mga taong sumasangguni sa inyo. Isa ako sa may problemang isasangguni. Dati akong masaya at panatag sa piling ng aking asawa at tatlong anak na babae. Limang taon na kaming kasal ng asawa ko at lumalaki na ang mga bata kaya medyo nahihirapan na akong alagaan sila. Kaya ang ginawa ng asawa ko ay kumuha ng kasambahay na bata pa at may dating, sexy din siya kahit hindi naman kagandahan.


Noong una ay panatag ang aking isipan pero nang lumaon ay nahalata ko na may namamagitan sa asawa ko at kasambahay namin hanggang naisip ko na hulihin sila. Linggo noon, walang pasok ang asawa ko sa trabaho at kunwari ay dadalawin ko ang mga magulang ko sa kabilang barangay. Sinabi kong bandang hapon na ako uuwi, pero hindi ‘yun ang gagawin ko. Balak kong umuwi sa tanghali nang hindi nalalaman ng asawa ko at ganu’n nga ang nangyari. Nahuli ko sila ng kasambahay namin na magkatabi sa kuwarto na parang may nangyari. Nagulat ang asawa ko nang makita niya ako. Hindi na siya nakapagkaila kaya pinalayas ko agad ang kasambahay namin. Humingi ng tawad ang asawa ko pero masamang-masama ang loob ko at parang hindi ko siya magagawang patawarin. Mula noon, matabang na ang pagtitinginan namin kahit ginagawa niya ang lahat para mapatawad ko siya.

Ano ang dapat kong gawin upang humupa ang galit ko sa kanya, gayundin para bumalik ang dati naming pagsasamahan at muling magmahalan gaya ng dati? Umaasa ako na mabibigyan ninyo ako ng kaukulang payo.


Nagpapasalamat,

Diana ng Bacoor, Cavite



Sa iyo, Diana,


Tunay ngang masakit sa kalooban at mahirap tanggapin sa puso’t isipan ang nangyari sa inyong mag-asawa. Ang tao ay sadyang marupok gaya ng nangyari sa asawa mo kaya hindi niya napigilang maakit sa kasambahay ninyo. Ngunit kung iisipin, ang pinagsamahan ninyo ng limang taon at isasaalang-alang ang damdamin ng inyong mga anak, patawarin mo na ang asawa mo. Tutal naman ay nagsisisi na siya at ginagawa ang lahat ng paraan para ibalik ang dati ninyong pagsasamahan.


Sino ka para hindi magpatawad? Kung ang Diyos nga ay nakapagpapatawad kahit gaano kabigat ang nagawa nating pagkakasala, tayo pa kayang tao lang ang hindi magpapatawad sa mga nagkasala sa atin, lalo na kung mga mahal natin sa buhay ang hihingi ng kapatawaran? ‘Yun na lang ang isaalang-alang mo, magpatawad ka gaya ng Diyos na makapangyarihan sa lahat. Kapag nagawa mo ‘yan, makikita mo na sunod-sunod na biyaya darating sa buhay ninyo. Sunod-sunod na suwerte at pagpapala ang makakamit mo at higit sa lahat, gagaan pa ang pakiramdam mo.


Wala nang hinanakit, sa halip, pagmamahal ang papalit. Isa pa, lahat tayo ay nagkakasala. Lahat tayo ay makasalanan. Kung hindi ka marunong magpatawad, paano ka patatawarin ng Diyos kung ikaw na mismo ang hihingi ng kapatawaran sa nagawa mong kasalanan? Sana ay maunawaan mo ‘yan. ‘Ika nga, forgive and forget. Soon you will be blessed and rewarded.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page