ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 17, 2023
Nagpakitang gilas ang mga elemento ng Police Regional Office (PRO) 13 (Caraga) nang magsagawa sila ng matinding operasyon hinggil sa ‘No Plate, No Travel’ policy sa buong rehiyon na nagresulta sa pagkakasakote sa 7,393.
Umabot sa kabuuang bilang ng citation tickets ang inisyu sa mga motorsiklo at 25 lamang ang naisyuhan ng ticket na driver ng four-wheeled vehicles na isinagawa lamang sa napakaikling panahon mula Mayo 31 hanggang Hunyo 9.
Ang layunin lamang ng operatiba ng PRO 13 ay upang maibsan ang insidente ng carnapping ng motorsiklo at mga krimeng kinasasangkutan ng masasamang elemento na gumagamit ng motorsiklo.
Tumataas din umano ang kaso ng nakawan ng motorsiklo sa naturang rehiyon, na karaniwang biktima ay ang mga nakaparadang motorsiklo sa tapat ng kanilang mga bahay na sa loob lamang ng ilang minuto ay naisasagawa na ang pagnanakaw.
Madalas na ginagawa ng mga kawatan at iba pang nais na magpalusot sa batas ang pagtanggal ng mismong plate number upang mahirapan ang mga operatiba sa pagtunton sa pagkakakilanlan ng tunay na nagmamay-ari sa motorsiklo.
Sa napakaikling panahong isinagawang operasyon ng PRO 13 ay umabot sa 102 motorsiklo ang nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at kasalukuyang naka-impound sa police station ng naturang rehiyon.
Dahil sa pangyayaring ito ay nabahala si PNP Chief Gen. Benjamin Acorda, Jr. at agad na nagbigay ng babala na kahit mga kaanib ng PNP ay hindi umano ligtas sa ipinatutupad na ‘No Plate, No Travel’ policy.
Alam kasi ng PNP chief na kalakaran noong mga nagdaang pamunuan ng PNP na maraming pulis ang gumagamit ng walang plakang sasakyan dahil karamihan ay recovered vehicle, ebidensya o sangkot sa krimen.
Katuwiran dati ng mga pulis na gumagamit ng mga sasakyang ebidensya ay mabubulok lamang umano sa impounding area ang mga ito kaya mas mabuti na umanong pakinabangan para hindi masira.
Ngunit ngayon ay matigas si Acorda, dahil nais niyang kahit pulis ay hindi ligtas sa paghihigpit at maigting na pagpapatupad ng ‘No Plate, No Travel’ policy na ipinatutupad ng Land Transportation Office (LTO) sa buong bansa.
Hindi nga naman exempted sa batas ang pagiging kaanib ng PNP para makaiwas sa parusa at ang hakbanging ito ni Acorda ay isang indikasyon na seryoso itong baguhin ang imahe ng PNP na sana lang ay magtuluy-tuloy para hindi puro iskandalo ang kanilang kinasasangkutan.
Sa ngayon ay pinagkakatiwalaan ni Acorda ang Highway Patrol Group (HPG), na sana ay magpakitang gilas din at seryosong makipagtulungan sa bagong pamunuan ng PNP na linisin ang buong kapulisan.
Bagama’t hindi naman lahat pero marami rin ang taga-HPG ang sangkot sa mga bumibiyaheng kolorum na van mula probinsya patungong Maynila at sila rin ang dahilan kung bakit santambak ang ilegal na terminal ng mga kolorum van na ito.
Ayon kay Acorda, sinumang kaanib ng PNP na mahuhuli sa mga paglabag sa batas ay mahaharap sa kasong administratibo at kriminal upang hindi na pamarisan — kaya sana unang linisin ang HPG dahil sila pala ang pinagkakatiwalaan.
Sa ilalim ng ‘No-registration, No-Travel’ policy na nakapaloob sa Joint Administrative Order na inisyu ng Department of Transportation (DOTr) at LTO noong 2015, pagmumultahin ng P10,000 ang mga may-ari ng sasakyang hindi rehistrado habang P1,000 naman para sa mga driver nito.
Kailangan namang magprisinta ng official receipt and certificate of registration (OR-CR) ang mga sasakyan na wala pang plaka at pagmumultahin ng P5,000 ang driver ng bagong sasakyan na walang maipakikitang OR-CR.
Dahil kasi sa madalas na kakulangan ng plaka at plastic ng driver’s license ay natutunan ng mga driver na puwede palang magpalusot at ang nasakoteng 7,393 ay isang rehiyon pa lamang, paano kung mag-o-operate rin ang PNP sa lahat ng rehiyon -- tiyak na katakut-takot ang madidiskubreng walang rehistro.
Ito ang katunayan sa ating hinihiling sa pamunuan ng LTO na isama na ang mga lumang motorsiklo sa three-year validity ng registration para maengganyo ang napakaraming walang rehistro sa mga probinsya na magparehistro.
Income generating na, nakatulong pa sa pagresolba sa krimen ng PNP.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
תגובות