Housing developer mula sa Southern Luzon...
- BULGAR
- Jan 21, 2021
- 2 min read
Wa’ takot sa demanda sa lakas ng kapit sa ‘husgatong’ at ‘pesocutor’, scam pa more!
ni Chit Luna - @Yari Ka! | January 21, 2021
Walang takot sa demanda ang isa sa pinakamalaking housing developer sa Calabarzon.
Kabi-kabila ang ginagawa nitong panunuba dahil nakatitiyak itong ibabasura lamang ang mga kasong isasampa laban sa kanila.
Ang pinakahuling biktima nito ay sub-contractor mula sa isang construction company na sukdulang ipangutang ang proyektong iginawad sa kanya ng housing developer.
Noong 2018, nang igawad ng mga dorobo sa biktima ang pagtapos ng mga housing projects. Halos patapos na nang patigilin siya sa paggawa bunsod umano ng cease and desist order na ipinalabas ng lokal na pamahalaan ng probinsiya.
Kampante naman sana siya dahil sa pangakong magbabayad ang mga ito sa loob lamang ng dalawang linggo.
Ngunit lumipas ang dalawang linggo, buwan at taon — walang naganap na bayaran. Bukod sa hindi na makontak sa telepono, mahigpit ding ipinagbilinan sa mga sekyu ng residential subdivision kung saan nakatira ang mga balatuba, na huwag siyang papasukin.
Sa madaling salita, nauwi sa pagsasampa niya ng asunto sa pag-asang ang mga tanggapan sa bulwagan ng hustisya sa kabisera ng probinsiya ang makatutulong sa kanyang kinasadlakang pagkakabaon sa napakalaking pagkakautang sa suppliers at manggagawa.
Lingid sa kanyang kaalaman, pawang sanggang-dikit pala ng mga dorobo ang ‘husgatong’ (husgadong may patong) at ‘pesocutor’ (pera-perang prosecutor) na humahawak sa kanyang kasong isinampa.
Dahil hindi naman sumisipot sa hearing ang mga akusado, puro delaying tactic ang nangyari — reset dito, reset doon hanggang sa hindi sinasadyang maibulalas ni ‘Pesocutor’ na mayroon din siyang bahay sa isa sa mga residential subdivisions na dinevelop ng mga akusado na malalapit niyang kaibigan.
Sa kabila ng hindi pagdalo ng mga inireklamo, hindi nagpalabas ng warrant of arrest ang ‘Husgatong’, na kalaunan ay ibinasura na lang ang kaso.
Sa pagsasaliksik ng Yari Ka!, lumalabas na hindi lamang pala ang kaawa-awang sub-contractor ang nasuba ng korporasyon.
Comments