ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 8, 2021
Nahanap ng defending champion Los Angeles Lakers ang susi sa tagumpay laban sa Toronto Raptors, 110-100, kahapon sa Amalie Arena ng Tampa, Florida. Hindi nanalo ang mga kampeon sa Raptors sa kanilang 11 huling tapatan matapos magwagi sa overtime, 129-122, noong Nobyembre 30, 2014 sa Staples Center.
Namuno sa Lakers sina Talen Horton-Tucker na may 17 puntos habang may 15 puntos si Markieff Morris kasama ang buslo na ginawang 34 ang lamang sa second quarter, 66-32. Susunod para sa Lakers ang pagbisita sa Miami Heat, ang tinalo nila para sa kampeonato noong Oktubre.
Bago ang malaking laban, binigo ng Memphis Grizzlies ang Heat, 124-112. Bumida si Dillon Brooks sa kanyang 28 puntos at double-double si Jonas Valanciunas na 20 puntos.
Tahimik na tumabla muli ang Philadelphia 76ers sa Brooklyn Nets sa taas ng Eastern Conference matapos iligpit ang matagal na karibal Boston Celtics, 106-96. Nagsabog ng 35 puntos si Joel Embiid at nag-ambag ng 17 puntos buhat sa limang tres si Danny Green.
Dumagdag din ng panalo ang pangatlo sa Western Conference na Los Angeles Clippers at pinigil ang Portland Trail Blazers, 133-116. Pumukol ng anim na tres si Paul George para sa 36 puntos habang may 29 puntos at 12 rebound si Kawhi Leonard.
Humabol mula sa 10 puntos sa huling apat na minuto ang Golden State Warriors para maagaw ang panalo sa Milwaukee Bucks, 122-121, salamat sa dalawang free throw ni Kelly Oubre Jr. may pitong segundong nalalabi. Nagtapos si Oubre na may 19 puntos upang hindi masayang ang 41 puntos ni Stephen Curry.
Matapos matalo sa kanyang unang apat na laro bilang Chicago Bull ay dalawang sunod na ang panalo ni All-Star Nikola Vucevic at binuhay niya ang koponan kontra sa Indiana Pacers, 113-97.
Comments