top of page
Search
BULGAR

Horse, laging nagmamadali magdesisyon kaya mabilis ding nabibigo

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | April 15, 2021



Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Horse ngayong Year of the Metal Ox.


Kung ikaw ay isinilang noong taong 1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002, 2014 at 2026, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Horse o Kabayo.


Sinasabing higit na maligaya ang isang Kabayo kapag nai-express niya nang malaya at wagas ang mga laman ng kanyang isipan. Kaya naman kapag ang kausap ng isang Kabayo ay walang gaanong kaalaman at hindi malawak ang pinagkukunan, madali siyang naiirita, habang kapag naman niyang matalino at malawak ang kanyang kausap, sumisigla at nagiging maligaya ang Kabayo. Kaya bagay na bagay sa Kabayo ang isang nagtatali-talinuhan na Tandang at ang malilim at malawak mag-isip na Aso.


Bukod sa makuwento at palaisip, ang isang Kabayo ay sadyang mabilis din sa lahat ng bagay, kaya ayaw din niya ng kasama na babagal-bagal. Sinasabing tipikal na ugali ng isang Kabayo ang pagiging mabilis magsalita, magsulat, magpasaya, mag-isip, kumilos at magpatupad ng kanyang mga binabalak. Kaya kung hindi magagabayan nang sapat at tumpak ang kanyang mga kilos at ginagawa, madalas ay hindi lang siya mabilis na nagtatagumpay dahil mabilis din siyang nabibigo. Pero kapag nabigo o pumalpak naman ang isang Kabayo, dahil likas din siyang matalino at madiskarte, agad at mabilis din siyang nakakaahon sa mga pagsubok at kabiguang kanyang nasusuungan.


Kaya naman ang isang Kabayo ay mabilis ding magpabago-bago ng isip at pagpapasya na hindi naman gaanong nakakaapekto sa kanyang ligaya at tagumpay.


Dagdag pa rito, sinasabi ring ang Kabayo ay hindi basta-basta naaapektuhan ng anumang pagbabago, sapagkat para sa kanya, ang mga pagbabago ng buhay na nagaganap sa araw-araw ay bahagi lamang ng kanyang karanasan at kapalaran.


Bukod sa mabilis magpasya at madaling nakapag-a-adjust sa mga pangyayari, ang isang Kabayo ay sinasabi ring may kakayahang mag-multitask kung saan puwedeng habang nagco-computer ay nagagawa niya pang makipag-tsikahan sa pamamagitan ng telepono at kasabay nito ay umiinom pa siya ng kape at nagbabasa ng paborito niyang libro. Ang lahat ng ‘yun ay maginhawa niyang nagagawa nang sabay-sabay.


Kaya naman sa pag-ibig at pakikipag-ugnayan sa kapwa, madalas ay hindi sinasadyang napagsasabay-sabay niya rin ang ang iba’t ibang uri ng pakikipag-ugnayan, pakikipagkaibigan at pakikipagrelasyon, na minsan, bagama’t nakakagulo sa kanyang isipan ay kayang-kaya niya itong i-handle nang maayos at maligaya.

Dahil kung minsan ay napagsasabay-sabay niya ang mga ugnayan at pakikipagrelasyong napapasukan, ang nagiging resulta nito, bagama’t masaya ay nagiging panandalian lamang.

Samantala, sinasabing ang isa sa pinakamasayang karanasan ng isang Kabayo ay ang maraming mga paglalakbay at pamamasyal dahil sa gawaing ‘yun, tunay ngang higit na nagiging matagumpay at maligaya ang isang Kabayo.


Kaya sa career, bagay na bagay sa isang Kabayo ang mga gawain o propesyon na kung saan-saan siya nade-destino at napupunta dahil ‘yun talaga ang hinahanap ng kanyang puso at malalim na katauhan.


Itutuloy

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page