ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | December 21, 2022
Hindi lamang sa mga lansangan, mall, sea at land transport terminal ramdam ang bugso ng tao ngayong holiday season.
Ramdam din ito sa ating mga paliparan, lalo na at maraming Pinoy at turista na galing sa ibang bansa ang umuuwi at dumarayo sa ating bansa upang mag-holiday, bunsod na rin ng pagluluwag ng COVID restrictions.
Ayon sa pinakahuling tala ng Department of Tourism, nakapagtala na ng mahigit dalawang milyong tourism arrivals ang bansa. Nakapag-ambag naman ang industriya ng tinatayang P100 bilyon mula January hanggang September 2022.
Magandang balita ito para sa tourism at hospitality industry, na dalawang taong nanahimik dahil na rin sa pananalasa ng COVID-19 sa buong mundo.
☻☻☻
Ngunit sa pagdami ng mga turista ay may mga nakikita rin tayong “horror stories” pagdating sa kanilang experience sa ating mga airport, lalo na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Bukod sa mahabang pila sa check-in at immigration counters ay nakararanas din ng mahabang pila upang makakakuha ng masasakyan ang ating mga kababayan at turista.
Paalala ng ating Bureau of Immigration (BI), dapat nasa airport na ang mga manlalakbay tatlong oras bago ang kanilang flight upang hindi maabala. Siniguro naman ng ahensya na mayroong silang tauhan sa immigration booths at counters.
☻☻☻
Dahil dito ay naghain tayo ng resolusyon na humihimok sa Senado na imbestigahan kung angkop pa ba ang kasalukuyang kapasidad ng ating mga airport upang ma-accommodate ang mga pasahero. Kasama rin ang pagbabalangkas ng mga hakbang upang makatulong sa pagkamit ng target na 4.8 million visitor arrivals sa susunod na taon.
Matatandaang nag-ooperate sa lagpas na sa designed capacity ang NAIA bago pa man ang pandemya. Noong 2019, nakapagtala ng 47.8 million passengers ang NAIA, na lagpas na sa 35 million passenger capacity nito.
At hindi lamang NAIA ang nakararanas ng congestion. Maging ang iba pa nating airport, tulad ng Iloilo International Airport ay lagpas na sa designed capacity nitong 1.2 million passengers. Kung ngayong holiday season ay ganito na ang sitwasyon sa ating mga airport, ano pa kaya ang mararanasan ng mga turista pagdating ng dry o “summer” months na isa pang peak season? Nakikipag-ugnayan na ba ang DOT sa iba pang ahensya ng pamahalaan, tulad ng DOTR at BI tungkol dito, upang hindi naman masayang ang ating marketing efforts.
Marami pang tanong ang inyong lingkod na inaasahan nating masasagot sa pagdinig ng Senado upang mabigyan ng positibong experience ang mga turista at makatulong sa pagbangon ng ating tourism industry.
☻☻☻
Mula sa Pamilya Binay, isang ligtas at may liwanag na Pasko po sa ating lahat!
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBin
Commentaires