ni Rey Joble @Sports News | September 15, 2024
Gaya ng dati, muling bumida si Scotty Hopson para isalba ang kampanya ng Converge FiberXers. Lumikha ng reputasyon bilang unang player na gumawa ng game-winning, four-point shot, pinatunayan ni Hopson na hindi ito tsamba matapos kumonekta muli ng isa na namang four-point shot para itawid ang FiberXers sa kapanapanabik na 100-99 na panalo kontra sa tila minamalas na Terrafirma Dyip sa PBA Governors’ Cup nitong Sabado ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Matapos ang dalawang free throws na naipasok ni Kevin Ferrer para itulak ang Dyip sa 99-96 na kalamangan may pitong segundo pa ang nalalabi, nag-disenyo ng play ang FiberXers para sa isa na namang game-winning, four-point shot para kay Hopson. Pinakawalaan ni Hopson ang kanyang tira halos kaparehas sa lugar kung saan niya pinasakit ang loob ng TNT.
Idinagdag ni Hopson ang Terrafirma sa kanyang mga nabiktima at ang bayani ng FiberXers ay naghatid sa kanila sa ika-apat na panalo sa walong laro. Wala pa ring nakukuhang panalo ang Dyip, na nasadlak sa ika-walong sunod nilang kabiguan sa torneo.
“It’s a grind out game and a virtual playoff for us,” ang sabi ni Converge coach Franco Atienza. “Probably from here on, onwards. We just can’t seem to go on anything going. It’s just so nice that the guys didn’t give up. It was like the lightning struck twice, but Scotty Hop was there. It’s a testament on how he works on it. How he is as a player.”
Naglalaro man na may injury, pilit pa ring tinutulungan ni Hopson ang kanyang koponan pero habang ika-ika ang import sa patuloy na paggabay sa Converge, si Schonny Winston naman ang pumarada para sa opensa ng FiberXers. Nagtala ng 19 puntos ang second hyera guard para pangunahan ang FiberXers na naghahangad na makabalik sa playoffs sa unang pagkakataon simula ng magpalit ng coaching staff.
Comments