ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 01, 2021
KATANUNGAN
1. Bago pa magkaroon ng pandemya, ako ay may kakaibang karamdaman na kung kani-kaninong doktor at faith healer na ako pumunta, pero hindi rin nila ako napagaling. Sumangguni ako sa inyo upang malaman kung nakaguhit ba sa aking mga palad na gagaling ako o dapat tanggapin ko na lang na ang karamdaman ko ay panghabambuhay na? Mahalaga ang inyong kasagutan upang hindi na ako mapagod at gumastos pa sa pagpunta kung saan-saan, gayung wala nang kagalingan ang aking karamdaman.
2. Nais ko ring malaman kung makapag-a-abroad ba ako, pine-petisyon kasi ako ng aking anak na nasa Canada at doon ako magpagamot, pero ayaw kong pumayag dahil masyadong malamig ang klima roon, baka hindi ako mahiyang at doon pa ako abutan ng kamatayan.
3. Pero sa kabila ng lahat, naniniwala pa rin akong kung nakatakda ang pag-a-abroad sa aking palad. Tulad ng madalas mong sabihin, ‘yun pa rin ang magaganap sa bandang huli. At kung may pag-a-abroad na magaganap sa aking kapalaran, kailan ‘yun?
KASAGUTAN
1. Noong panahon ng mga katutubo at tribo-tribo pa ang kinikilalang sibilisasyon, inaakala ng mga tao na ang sakit o karamdaman ay isang napakahiwagang bagay. Madalas nga na ibinibintang nila ito sa evil spirit at elemental beings, at inaakala rin nilang kapag gumawa ng pagkakasala ang isang tao, parusa ng langit ang sakit na kanyang iniinda.
2. Subalit nang maimbento ang microscope, taong 1670 ni Antonie Van Leeuwenhoek, doon na nagsimulang maobserbahan ng tao ang maliliit na mikrobyo at virus na nagiging sanhi ng mga pangkaraniwang karamdaman sanhi ng epidemya na lumilipol sa maraming populasyon.
3. Kasabay nito, taong 1928, natuklasan ng Scottish Biologist na si Alexander Fleming ang gamot na penicillin na may kakayahang pumuksa ng iba’t ibang uri ng mikrobyo at bacteria. Rito rin nagsimulang madiskubre ang sari-saring kumbinasyon ng antibiotic na kapag ininom nang nasa tamang dami at takdang panahon, siguradong mapapatay nito ang mikrobyo na nagiging sanhi ng karamdaman. Kaya nang mga panahong ‘yun, bihirang-bihira na ang namamatay sa sakit na dulot ng bacteria o mikrobyo, basta’t naagapan ng gamot na kung tawagin ay antibiotic.
4. Nang umunlad ang medesina, na halos kaya niya nang gamutin ang lahat ng uri ng sakit na sanhi ng mikrobyo at bacteria, naglabasan naman ang iba’t ibang uri ng karamdaman na kung tawagin ay “autoimmune disease” kung saan ang immune system na siya sanang magdedepensa sa sakit ng katawan ay hindi nagpa-function nang mabuti, bagkus, siya pa ang umaaway at naninira sa kanyang kakampi. Tulad ng sakit na cancer, ang “friendly cells” ay naging “enemy cells” kaya mabilis na kumalat ang cancer.
5. Hanggang ngayong moderno na ang panahon ay hindi pa rin masagot ng scientists kung paano nangyayaring hindi ma-distinguish ng immune system na ang sarili niya na pala ang kanyang sinisira.
6. Kaya ang ganitong mga uri ng sakit, hindi mikrobyo ang dahilan kundi abnormal na function ng immune system at cells ay sinasabing halos walang kagamutan o hindi pa lubusang natutuklasan kung paano gagamutin. Tulad ng diabetes, nagtataka ang mga doktor kung bakit ang “sugar” na mula sa carbohydrate ay ayaw matunaw dahil ayaw maglabas ng insulin ang pancreas.
7. Samantala, Mrs. Aquarius, kung ang iyong karamdaman ay hindi kayang pagalingin ng mga dalubsahang doktor, malamang na ang iyong sakit ay may kaugnayan sa immune system na kailangang mautusan mo ito na mag-function nang maayos at tama.
8. Tama ang anak mo, sa ibang bansa ka magpagamot dahil doon ka nga lubusang gagaling, ito ang nais sabihin ng lumawak na Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow a.) na nagkaroon pa ng sanga na tinatawag ding Travel Line (Drawing A. at B,. t-t arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, madali kang gagaling at magiging malusog ang iyong katawan sa paglipat sa ibang lugar na kung tawagin sa medical term ay “milieu therapy.”
DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Eleine, kung nagpatingin ka na sa mga doktor at sikat na faith healer pero hindi ka pa rin gumagaling, ang paglipat sa ibang lugar ang pinakasiguradong paraan. Sa susnod na taong 2022, sa sandaling natapos ang pandemya at madali na muling bumiyahe, may pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran at sa ibang bansa na malayo sa Pilipinas, doon ka na magiging malusog at habambuhay na magiging maligaya hanggang sa abutin mo ang edad ng lubusang pagtanda, humigit-kumulang aabot ka pa ng edad 90 pataas (t-t arrow a. at b.).
Commenti