ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Inyong Numero | Abril 2, 2024
Dear Maestro,
Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil madalas na sinasabi n’yo na ang mga Taong Singko ay yumayaman. Pero bakit hanggang ngayon, sa edad kong 40 ay hindi pa rin ako yumayaman? Masipag naman kaming mag-asawa na nagtatrabaho at nagsisikap sa buhay. April 14, 1984 ang birthday ko habang December 8, 1988 naman ang birthday ng asawa ko. Kailan kaya kami yayaman at sa paanong paraan? Iniisip din naming magnegosyo ng tindahan ng bigas, angkop kaya sa amin ito? Sabi naman ng misis ko mag-abroad na lang ako. Maestro, ano ba ang dapat naming gawin para kami ay yumaman?
Umaasa
Daren ng Bagong Barrio, Pandi, Bulacan
Dear Daren,
Kapag ang tao ay napakaraming iniisip o sabihin na nating maraming laman ang kanyang isip at kung anu-ano ang gustong gawin sa buhay, malabo silang yumaman. Ganu’n kasi ang mga taong naiimpluwensyahan ng numerong 4.
Bukod sa numerong 14 o 5, naiimpluwensyahan ka rin ng numerong 4, na siya namang destiny number mo. Naging kuwatro (4) ang destiny number mo dahil ang April 14, 1984 ay ganito kinokompyut: 4+14+1984=2002/ 20+02=22/ 2+2=4.
Kaya ang susi sa pagyaman at pagtatagumpay sa buhay ay konsentrasyon. Sapagkat kung iisang negosyo, pagkakakitaan, layunin o gawain lamang ang pinagtutuunan n’yo, malabo kayong mabigo.
Dahil dito, simulan mo nang ibuhos ang buo mong atensyon at panahon sa iisang bagay na gustung-gusto mong gawin. Halimbawa, ang naisip mo na mag-abroad, puro pag-a-abroad lang ang gawin mong paraan upang yumaman. Kung ang naiisip mo namang paraan ay negosyo, tulad ng pagnenegosyo ng bigas at palay, mamimili ka ng palay at ibenta mo sa mga miller, tiyak na roon ka yayaman.
Kaya pag-usapan n’yo ang pinakatamang proyekto na tututukan n’yo dahil nagkataong compatible ang birth date mong 14 o 5 sa birth date niyang 17 o 8, ganundin ang zodiac sign mong Aries sa zodiac sign niyang Sagittarius, tiyak ang magaganap. Limang taon lang ang hinihingi ng kapalaran na makapag-concentrate kayo sa iisang larangan o tumbok na proyekto, sa taong 2029 sa edad mong 45, mararamdaman n’yo ang unti-unting pagyaman habang patuloy n’yong ibinubuhos ang atensyon, panahon at lakas sa iisang depenidong gawain, tuluy-tuloy kayong yayaman hanggang sa tuluyan nang tanghaling isa sa pinakamayamang pamilya sa inyong lugar.
Comments