ni Anthony E. Servinio @Sports | August 25, 2023
![](https://static.wixstatic.com/media/bd1fd9_c4060d4c1a0546fe87eabe79e46716bc~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_630,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_auto/bd1fd9_c4060d4c1a0546fe87eabe79e46716bc~mv2.jpg)
Mga laro ngayong Biyernes
4:00 PM Italya vs. Angola (Phil. Arena)
4:45 PM Mexico vs. Montenegro (MOA)
8:00 PM Dominican Republic vs. Pilipinas (Phil. Arena)
8:30 PM Ehipto vs. Lithuania (MOA)
Dumating na ang araw na hinihintay ng mga tagahanga sa pinakamataas na antas ng Basketball sa 2023 FIBA World Cup sa Pilipinas, Japan at Indonesia tampok ang 32 na pinakamatinik na pambansang koponan. Nakasentro ang atensiyon sa co-host Gilas Pilipinas sa unang sabak nila sa Grupo A ngayong 8 p.m. kontra Dominican Republic sa Philippine Arena simula ng 8:00 p.m.
Pangunahin para sa Gilas ay paano pipigilan ang 6’11” higanteng si Karl Anthony Towns, ang beterano ng NBA sa Minnesota Timberwolves at minsan ay naging kampeon sa Three-Points sa All-Star. Ayon kay Coach Chot Reyes, sa NBA pa lang ay bihira ang mga nakakabantay kay Towns na ang namayapang nanay ay Dominicana.
Maaaring maghatid din ng sakit ng ulo sa mga Pinoy ay ang 6’5” guwardiyang si Lester Quinones na may unang taon sa Golden State Warriors. Nagtala ng 10 puntos sa 4 na laro subalit ibang klase ang kalidad na kailangan upang makatapak sa NBA.
Kahit humingi ng liban ang iba pang NBA player Al Horford at Chris Duarte, nananatiling delikado ang Gilas sa mga Dominicana bilang ika-23 bansa sa FIBA Ranking kumpara sa Gilas na ika-40. Marami sa mga manlalaro nila ay may karanasan bilang import sa Europa at Tsina.
Nakasalalay kay 6-time PBA MVP June Mar Fajardo at mga kabataan Kai Sotto at AJ Edu ang magtulungan sa depensa. Kahit hindi malimitahan si KAT, hindi niya kayang buhating mag-isa ang koponan at tututok ang depensa sa apat na kakampi.
Bago ang laro ay magkakaroon ng palabas kung saan magiging panauhing pandangal si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Bilang pag-suporta sa torneo, idineklara ng Malacanang na walang pasok ang mga tanggapan at paaralan sa Kalakhang Maynila at Bulacan ngayong araw.
Titingnan din kung magtatala ng bagong marka para sa pinakamaraming manonood ng laro ng FIBA kapag napuno ang mahigit 50,000 upuan sa palaruan. Ang kasalukuyang marka ay 32,616 noong championship ng 1994 World Cup sa Toronto SkyDome (ngayon ay Rogers Centre) kung saan nanaig ang Estados Unidos sa Russia, 137-91.
Comentários