ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 16, 2022
Nahaharap na naman tayo sa panibagong pagsubok makaraang matukoy na ang bansa ay nasa kasagsagan ng ‘new wave’ ng HIV/AIDS — human immunodeficiency virus/acquired immunodeficiency syndrome — na karaniwang kumakalat ang kaso sa mga mas nakababatang henerasyon.
Ayon sa United Nations Program on HIV/AIDS (UNAIDS), isa ang ating bansa sa may mabilis na pagtaas ng kaso ng HIV sa mga urban center ng Pilipinas.
Ayon sa inilabas na datos ng Department of Health Epidemiology Bureau, mula Enero 1984 hanggang Pebrero 2021 ay umabot na sa 84,610 kaso ng HIV/AIDS ang naitala na lumalabas na 855 bagong kaso kada buwan o 30 kaso araw-araw, hindi pa kabilang ang halos 15,000 karagdagang kaso na naiulat para sa pagpasok ng taong kasalukuyan.
Sa nabanggit na mga kaso, 804 dito ang lalaki at 51 sa mga ito ay babae kung saan 80 porsiyento ng mga nahawa ay mula sa edad na 15 hanggang 34 na karaniwang aktibo pa at nasa kasagsagan ng pakikipagsapalaran na tumuklas ng bagong karanasan sa pakikipagtalik.
Idinagdag pa ng UNAIDS na ang nasasawi na may kaugnayan sa AIDS ay pumalo na sa 450 porsiyento sa kabila ng mayroon namang libreng life-saving treatment para sa AIDS na binubuo ng 160 pasilidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Isa sa mga nakikitang dahilan nang muling pagsipa ng kaso ng AIDS sa bansa ay ang tila lumamyang ang pagtutok ng Department of Health (DOH) dito dahil sa mas binigyang-prayoridad ang pandemya dulot ng COVID-19 na naging matagumpay naman dahil sa unti-unti nang bumababa ang kaso.
Hindi lang naman ang pamahalaan ang naging abala sa iba pang problema dulot ng pandemya dahil maging ang mga pribadong sektor ay labis na naapektuhan at hindi gaanong natutukan ang umiiral na prevention program lalo na sa mahihinang sektor ng lipunan.
Labis na naapektuhan ang mga kababayan nating mula sa marginalized sector na hirap maabot ng mainstream health services at mga programa na magbibigay ng gabay sa kabataan para matutunan kung paano makaiiwas sa HIV infection.
Sa kasalukuyang daloy ng sitwasyon ay hindi umano malayong maabot sa kalagitnaan ng taon ang 100,000 mark ang bilang ng mga Pilipino na posibleng mahawa na sa HIV/AIDS kung hindi maghihinay-hinay ang ating mga kababayan.
Base sa ulat ng National HIV/AIDS Registry, noong 2021 ay umabot sa 12, 341 ang bilang ng mga bagong nahawa ng HIV na tumaas ng 54 porsiyento kumpara sa 8,036 na naitalang kaso noong 2020 na mas maingay at mataas ang kaalaman hinggil sa nakamamatay na virus.
Makabubuting dagdagan ang taunang pondo para sa HIV prevention and treatment para makasabay ang pamahalaan sa pagtugon sa pagsirit ng HIV/AIDS na karaniwang nakukuha sa pamamagitan ng walang pag-iingat na pakikipagtalik.
Makaraan ang ilang panahon matapos makipagtalik sa isang postibo ay doon lamang lumalabas ang mga sintomas hanggang sa makumpirmang positibo na rin sa HIV na kalaunan ay nagiging AIDS na sumisira sa kakayanan ng katawan ng isang tao na lumaban sa impeksiyon.
Bagama’t wala pang partikular na gamot ang natutuklasan ay maaari namang limitahan ang HIV sa pamamagitan ng antiretroviral therapy (ART), isang proseso na nakakapagpabagal sa paglala nito at sa posibilidad na maipasa pa sa iba.
Sa kasalukuyang sitwasyon ay umaabot lamang sa 63 porsiyento ng mga kababayan nating kumpirmadong nahawa sa HIV ang nagagawang magpagamot dahil sa iba’t ibang kadahilanan na sobrang napakalayo sa target ng pamahalaan na 90 porsiyento dapat ang matugunan.
Ayon pa sa National Registry na itinatag nito lamang 1984 ay umaabot na sa kabuuang bilang na 5,373 ang nasawi na dahil sa HIV/AIDS na lahat ay nagpahayag na nadala umano sila ng labis na kapusukan at hindi alintana na magiging sanhi ito ng kanilang kamatayan.
Samantala, nagpahayag naman ang Estados Unidos na muli nilang palalakasin ang pagtulong sa bansa upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV/AIDS na itinuturing ng epidemya dahil sa halos nasa 100,000 Pinoy na ang apektado.
Ayon sa United States Agency for International Development (USAID) kasalukuyan silang nakikipagtulungan sa DOH at iba pang stakeholders sa pamamagitan ng PHP875-million program, na kanilang inilunsad nito lamang pagpasok ng taon sa ilalim ng US President’s Emergency Plan for AIDS Relief (PEPFAR).
Dahil sa inisyatibong ito, ang US ay nakatakdang magbigay sa bansa ng HIV prevention drugs na mas kilala sa tawag na pre-exposure prophylaxis (PrEP), para sa mga kababayan nating nahawa ng naturang virus.
Hindi natin lubos maisip na dahil sa pandemya ay sarado lahat ng bahay aliwan, kabilang na ang mga KTV bar, SPA na ginagawang front ng prostitusyon, gay bars at maging ang mga drive-in hotel, pero sumirit pa rin ang kaso ng HIV/AIDS. Para-paraan talaga!
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments