ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 07, 2023
Nakaaalarma ang sunud-sunod na ulat hinggil sa mabilis na pagkalat ng human immunodeficiency virus (HIV) sa kabila ng walang humpay na paalala ng Department of Health (DOH) hinggil dito.
Hindi ko ma-imagine na umabot sa 1,240 ang bagong kaso ng HIV na naitala sa buwan lamang ng Abril base mismo sa HIV/AIDS Registry of the Philippines na isang kahindik-hindik na pangyayari.
Lumalabas na ang average na kaso ng HIV sa buwan ng Abril ay pumapalo sa 50 katao ang nahahawa araw-araw at umabot sa 101 indibidwal ang nasawi dahil sa HIV infection sa nabanggit ding buwan.
Sa mga naitalang bagong kaso, natukoy ng DOH na 335 sa mga ito ay dati nang may HIV infection nang isagawa ang diagnosis at tinatayang may mataas pang bilang ang hindi pa natutukoy sa mga kabataang nahihirati ng walang takot sa pakikipagtalik.
Sa bagong 1,219 kaso ay nakumpirmang nahawa ang mga ito sa pakikipagtalik na siyang may pinakamataas na insidente ng patuloy na pagkalat ng HIV/AIDS.
Nasa 869 ang bagong kaso ng HIV sa mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki o MSM (men-having-sex-with men), nasa 183 naman ang kaso ng bisexual -- ito ang lalaki o babaeng puwedeng makipagtalik sa kahit anong kasarian at nasa 167 naman ang kaso ng pagtatalik ng lalaki sa babae.
Iba-iba kasi ang sitwasyon para mahawa ng HIV, ito ay ang pagkahawa sa pamamagitan ng paggamit ng infected needles; mother-to-child transmission, pakikipagtalik ng walang proteksiyon, pagsasalin ng dugo at iba pa.
Ayon sa DOH, two-thirds ng bagong kaso ng HIV ay mula sa limang rehiyon: Metro Manila na may 270 kaso; 265 kaso mula sa Calabarzon, 130 kaso mula sa Central Luzon, 96 kaso mula sa Davao region at 74 kaso mula sa Western Visayas.
Sa mga nabanggit na rehiyon nagmula ang 67 porsyento ng kabuuang bilang ng napaulat na kaso ng HIV na naitala sa buwan lamang ng Abril na kung hindi tayo kikilos ay posibleng tumaas pa ang mga kaso sa darating na mga araw.
Sa lalawigan ng Aklan lamang ay nagtala ng 26 bagong kaso ng HIV mula Enero hanggang Marso ng taong kasalukuyan kung saan dalawa na sa mga ito ang kinumpirmang nasawi ng DOH dahil sa kumplikasyon.
Dahil sa pinakahuling ulat na ito ay umabot na sa 34 ang binabawian ng buhay dahil sa iba’t ibang kumplikasyon ng HIV-Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) mula noong 1986.
Base pa sa pinakahuling datos na inilabas ng DOH, may 501 kumpirmadong kaso ng HIV sa lalawigan ng Aklan mula 1986 hanggang nitong nagdaang Marso 2023 at karamihan dito ay sanhi ng men-having-sex-with men (MSM).
Nitong Marso, umabot sa 2,078 ang nagpositibo sa HIV sa buong bansa o umabot sa 35 porsyento ng pagtaas kumpara sa parehong panahon noong 2022 na isang indikasyon na patuloy ang pagtaas.
Hindi natin tinitingnan bilang kabiguan sa panig ng DOH, ang pagtaas ng kaso ng HIV ngunit kailangan nating paigtingin ang mga hakbangin kung paano maiibsan kung hindi man tuluyang mapipigil ang HIV.
Kailangang mabawasan ang stigma sa pamamagitan ng edukasyon, dapat palakasin ang kamalayan hinggil sa sexual health lalo pa at nasasadlak sa maling pagtrato at itinuturing na nakagawa ng matinding pagkakasala at imoralidad ang mga nahawa sa HIV.
Napapanahon na rin na ang sexual health at gender sensitivity education ay dapat nang isama sa school curriculums at dapat na ituro ng mga sinanay na teacher nang naaayon sa edad at kinagisnang kultura at hindi makasisira o makaaapekto sa pananampalataya ng bawat isa.
Dagdagan din ang pagpapakalat ng kaalaman hinggil sa mga health care providers na handang tumulong sa mga may sintomas ng HIV at maiparating sa lahat ang kahalagahan ng early HIV detection at ang HIV infection ay isang chronic manageable disease.
Dapat ding pag-ibayuhin pa ang medical knowledge tungkol sa HIV ng mga medical at nursing students kasabay ng pagkalinga sa mga sociocultural challenges na kinakaharap ng mga taong kasalukuyang nagdurusa dahil sa sakit na HIV.
Palakasin ang mga programa at idetalyeng mabuti kung paano makakapag-ingat ang isang indibidwal na makaiwas sa naturang sakit at kung paano ito paglalabanan sakaling nahawa na.
Higit sa lahat ay palakasin natin ang moralidad ng ating mga kabataan upang bago pa sila masadlak sa sitwasyong hindi na sila puwedeng umatras ay magkaroon sila ng pagkakataong makapag-isip at hindi na humantong sa pagsisisi.
Halos lahat naman kasi ay alam na ang kahihinatnan kung makikipagtalik nang walang proteksyon ngunit tinatalo ang karamihan ng kapusukan at nagsisisi na lamang sa huli.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments