top of page
Search
BULGAR

Hirit sa mga out-of-school youth, tangkilikin ang ALS para sa mas magandang kinabukasan

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 28, 2021



Kasalukuyang isinusulong ng inyong lingkod ang pagkakaroon ng mas marami pang mag-aaral sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS), kung saan ang bilang ng mga rehistrado ngayong school year ay katumbas lamang ng mahigit 33 porsiyento ng mga nagpatala noong nakaraang taon.


Nasa halos 200,000 pa lamang ang rehistrado sa ALS para sa School Year 2021-2022, batay sa datos na naitala noong Setyembre 15. Noong nakaraang school year, pumalo sa halos 600,000 ang mga mag-aaral ng ALS. Umabot naman sa 26.3 milyon ang bilang ng mga mag-aaral na nagpa-enroll sa mga pampubliko at pribadong paaralan, pati na rin sa sate at local universities and colleges (SUCs at LUCs) at nalampasan nito ang enrollment noong nagdaang taon na 26.2 milyon.


Kung kinaya ang mas mataas na bilang ng mga mag-aaral sa pormal na sistema ng edukasyon ngayong school year, kailangang mapantayan man lang ng ALS ang bilang ng mga enrollees nito noong nagdaang taon. Kaya nga dapat hanapin ng Department of Education (DepEd) ang mga mag-aaral na ito upang maipagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral.


Pinalawig ang ALS sa ilalim ng Republic Act No. 11510 o ang ALS Act, kung saan ang inyong lingkod ang pangunahing may-akda at sponsor, upang mabigyan ng pangalawang pagkakataon na makapag-aral ang mga hindi nakapagtapos o kaya naman ‘yung nahihirapang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Kabilang sa enrollees ng ALS ang mga mag-aaral na may kapansanan, indigenous peoples, ang children in conflict with the law, learners in emergency situations o sakuna, at nakatatandang nais ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.


Layunin ng ALS na hasain ang mga mag-aaral pagdating sa basic at functional literacy at life skills. Mandato rin ng naturang batas ang pagkakaroon ng ALS Community Learning Centers sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.


Sa isang ulat ng World Bank noong 2018, tinatayang 24 milyong Pilipinong may edad 15 pataas ang hindi nakatapos ng basic education. Base pa sa ulat, may mahigit dalawang milyong mag-aaral na may edad lima hanggang 14 ang hindi pumapasok sa paaralan. Nakalulungkot na dahil dito ay napag-iwanan na sila ng mahigit tatlong taon mula sa antas na dapat kinabibilangan nila.


Dahil sa kalagayang ito, kailangan ng masinsinang paghahanap sa mga kababayan nating maaaring makapag-aral sa ilalim ng ALS. Nararapat lamang na ihatid natin sa kanila ang edukasyon at tulungan natin silang magkaroon ng mas magandang kinabukasan.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page