ni BRT | February 20, 2023
Panahon na para bumili ng mga makabagong kagamitan ang bansa lalo ang F16 fighter jets at submarines upang mapalakas pa ang kapabilidad ng depensa ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS). Ito’y sa gitna na rin ng “laser attack” ng China laban sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na pansamantalang ikinabulag ng mga crew nito.
Nagsasagawa ng patrulya ang barko ng PCG sa West Philippine Sea nang mangyari ang insidente. Ayon kay House Committee on Ways and Means Chair at Albay 2nd District Representative Joey Salceda, para maisakatuparan ito, dapat na amyendahan ang Official Development Assistance (ODA) Law upang matiyak na magkakaroon ng tinagurian nitong ‘top-of-the-line’ air equipment at naval capabilities ang hukbong sandatahan.
Ang House tax panel na pinamumunuan ni Salceda ang pangunahing humihimay sa sources ng mapagkukunan ng pondo kaya ipiprisinta nito ang amyenda sa ODA Law upang matiyak na may sapat na kapabilidad sa depensa ang bansa.
“No one wants war, but defenders don’t decide that. Aggressors decide whether they want war. And defenders have to be ready,” wika ni Salceda.
Paliwanag pa ni Salceda na sa ilalim ng kasalukuyang ODA Law, may restriksyon sa probisyon nito na nagkakaloob ng 40% sa kabuuang ODA loans at tinatayang nasa 25% sa bawat loans o pautang.
Ang iba pang limitasyon ay kinabibilangan naman ng kakulangan ng probisyon sa pribadong sektor na magpartisipa sa financing, public bidding na nagiging sagabal sa pagkuha ng loan tulad sa kagamitang pangdepensa na may isa lamang supplier.
Dagdag pa ng mambabatas na ang Pilipinas ay naclear na makabili ng F16 fighter jets mula sa Estados Unidos noong 2021 at kailangan ding makabili ng Harpoon missiles ang bansa.
Comments