ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Dec. 27, 2024
SINABI NI PBBM NA ANG PASKONG PILIPINO RAW ANG PINAKA-HAPPY SA BUONG MUNDO, ‘PANG-UUNGGOY’ LANG SA PUBLIKO – Sinabi ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na ang Paskong Pilipino raw ang pinakamasayang Christmas sa buong mundo.
Ang statement na ito ni PBBM ay malinaw na pang-uunggoy sa publiko kasi ubod nang taas ang presyo ng mga bilihing panghanda sa Noche Buena, at karamihan sa maralitang Pinoy ay mga nagsipag-Paskong tuyo, tapos sasabihin ng Presidente na pinaka-happy raw ang Paskong Pilipino sa buong mundo, pwe!
XXX
NOON NANG TUMAAS ANG RATING NI PBBM, NAGLULUNDAG SA TUWA ANG MGA TAGA-MALACAÑANG PERO NANG BUMAGSAK, HINDI RAW NANINIWALA ANG MARCOS ADMIN SA SURVEY -- Matapos bumagsak ang rating ni PBBM sa latest survey ng Pulse Asia ay sinabi ni Executive Sec. Lucas Bersamin na hindi raw sila naniniwala sa survey kasi hindi naman daw survey ang batayan ng “effective public service.”
Ganu’n? Pero nang minsang tumaas ng ilang points ang rating ni PBBM sa survey halos maglulundag sa tuwa ang mga taga-Malacañang pero ngayong bumagsak ang grado ng Presidente sa performance and trust ratings, hindi raw naniniwala ang kampo ni PBBM sa mga surveys, boom!
XXX
DAPAT IMBESTIGAHAN NG KONGRESO ANG PALPAK NA P1.064B DEPED DIGITAL PROJECTS SA PANAHON NI EX-DEPED SEC., VP SARA -- Ibinulgar ng Commission on Audit (COA) na ilang kontratista raw ang binayaran ng P1.064 billion ng tanggapan ni dating Dept. of Education (DepEd) Sec. at Vice Pres. Sara Duterte-Carpio para sa mga digital project ng DepEd. Pero ang mga proyekto raw na ito ay palpak, hindi gumagana at hindi mapakinabangan ng kagawaran.
Aba’y dapat imbestigahan iyan ng Kamara at Senado kasi taxpayers ang talo diyan dahil lumalabas na matapos tanggapin ang higit P1B ibinayad ng DepEd sa mga kontratista, binarabara na ang paggawa kaya ang naging resulta, palpak ang proyekto, buset!
XXX
NORMAL LANG SA AMANG TULAD NI EX-P-DUTERTE NA IPAGTANGGOL ANG ANAK
NA SI VP SARA MULA SA MGA TAONG NANGGIGIPIT DITO -- Nagtawanan o nag-ha-ha-ha reactions ang mga netizens matapos sabihin ni VP Sara na isa ang kanyang amang lawyer na si ex-P-Duterte ang tatayong abogado niya kapag itinuloy ng Kamara ang pagpapa-impeach sa kanya.
Hindi dapat gawing katatawanan ito kasi normal lang sa isang ama na ipagtanggol at suportahan ang kanyang anak kapag may mga taong nanggigipit dito, period!
Comments