top of page
Search

Hirit ni PBBM, ‘di raw tamang magpapatay ng libu-libong tao, parang sinabing oks lang ikulong sa ICC si ex-P-Duterte

BULGAR

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Mar. 16, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MAJORITY NG PINOY GUSTONG MA-IMPEACH SI VP SARA? -- Sa latest survey na inilabas ng Pulse Asia ay 4 daw sa 10 Pinoy ang kontra na ma-impeach si Vice President Sara Duterte-Carpio.


Kung apat ang tutol, lumalabas na anim ang pabor, kung ganu’n majority pala ng mga Pinoy ay gustong ma-impeach si VP Sara, period!


XXX


HINDI NGA NAKIPAGTULUNGAN ANG MARCOS ADMIN SA ICC, NAKIPAGTULUNGAN NAMAN SA INTERPOL KAYA RESULTA, KULONG SI EX-P-DUTERTE -- Hanggang ngayon ay pinuputakti ng batikos si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) dahil niloko lang daw nito ang taumbayan sa sinabi noon na hindi makikipagtulungan ang Marcos administration sa International Criminal Court (ICC), ‘yun daw pala nakipagtulungan sa Interpol kaya naaresto at ikinulong si ex-P-Duterte sa The Hague sa The Netherlands.


Dahil diyan, ipinagtanggol ni Presidential Communication Office (PCO) Usec. Claire Castro si PBBM na ayon sa kanya ay totoo naman daw ang sinabi ng Presidente na hindi ito makikipagtulungan sa ICC, pero dapat daw tandaan ng mamamayan na wala naman daw sinabi ang Pangulo na hindi rin ito makikipagtulungan sa Interpol.


Malinaw na pinaikut-ikot lang ni PBBM ang mamamayan sa isyung ito kasi hindi nga nakipagtulungan ang Marcos admin sa ICC, pero nakipagtulungan naman sa Interpol na nagdala ng warrant of arrest ng ICC laban kay ex-P-Duterte, boom!


XXX


KUNG HINDI TAMANG MAGPAPATAY NG LIBU-LIBONG TAO, PARANG SINABI NI PBBM NA TAMA ANG PAG-ARESTO AT PAGKULONG KAY EX-P-DUTERTE -- Sa idinaos na campaign rally ng senatorial slate ng Alyansa Para sa Pagbabago sa Tacloban City nitong nakalipas na Marso 14, 2025 ay pinasaringan ni PBBM si ex-P-Duterte na nakakulong ngayon sa ICC jail, na ayon sa Presidente ay wala raw sa mga kandidato niya ang nananakot at naninigaw, at ang kanilang alyansa raw ay hindi naniniwala na ang solusyon sa paglaban sa droga at kriminalidad ay pagpatay ng libu-libong tao, dahil ayon sa Pangulo ay hindi raw tama ‘yung ganu’ng sistema.


Kumbaga, parang sinabi na rin ni PBBM na tama lang ang nangyari kay ex-P-Duterte na makulong sa ICC jail, kasi nga hindi tama ang pumatay o magpapatay ng libu-libong tao, period!


XXX


SI SPEAKER ROMUALDEZ ANG NAGSABING MANANALO SA TACLOBAN AT LEYTE ANG MGA ‘MANOK’ NI PBBM SA PAGKA-SENADOR, HINDI MAMAMAYAN NG LUNGSOD AT LALAWIGAN -- Ibinida ni Speaker Martin Romualdez na mananalo raw sa Tacloban City at buong Leyte ang 12 kandidato ni PBBM sa pagka-senador.


Si Speaker Romualdez ang nagsabi niyan, hindi ang mayoryang mamamayan ng Tacloban City at Leyte, boom!

Komentar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page