ni Mylene Alfonso @News | August 11, 2023
![](https://static.wixstatic.com/media/2551ae_8cba0387f1ef44ee87e7773f6a83245f~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/2551ae_8cba0387f1ef44ee87e7773f6a83245f~mv2.jpg)
Pabibilisin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang paggastos sa mga darating na quarter para mabawi ang momentum kasunod ng 4.3 percent economic expansion ng ekonomiya ng bansa sa ikalawang quarter ng taong ito.
Sa magkasanib na pahayag nitong Huwebes, sinabi ng mga economic manager ng administrasyong Marcos na para sa ikalawang quarter, ang 4.3% paglago ng gross domestic product (GDP) ay bunsod ng mga pagtaas sa paggasta at komersyal na pamumuhunan na may kaugnayan sa turismo, pero napigilan ng mataas na presyo ng mga bilihin, mga epekto ng pagtaas ng interes, pagliit sa paggasta ng gobyerno, at mas mabagal na paglago ng ekonomiya sa buong mundo.
“While government expenditure contracted by 7.1 percent in the absence of election-related spending in the first half of the year, government spending will accelerate in the coming quarters to allow us to recover our growth momentum,” pahayag ng mga economic managers.
Ang economic team ay binubuo ng mga opisyal mula sa Department of Budget and Management (DBM), Department of Finance (DOF) at National Economic and Development Authority (NEDA), na pawang itinalaga bilang economic managers ni Pangulong Marcos.
Tinalakay na ng Economic Development Group (EDG), ayon sa mga opisyal, kung paano mapapabilis ng iba't ibang ahensya ng gobyerno ang pagpapatupad ng mga programa at proyekto sa nalalabing bahagi ng taon.
Ang mga ahensya ng gobyerno, kabilang ang mga lokal at regional entities ng pamahalaan, ay hinihikayat na bumalangkas ng mga catch-up na plano, pabilisin, at maging frontload ang pagpapatupad ng nasabing mga programa at proyekto.
Comments