ni Melba R. Llanera - @Insider | December 5, 2020
Sa special screening din ng Isa Pang Bahaghari ay nakausap namin si Phillip Salvador na nagpahayag na long overdue o matagal na dapat ibinigay kay Nora Aunor ang National Artist award.
Nagkatambal sina Phillip at Nora sa pelikulang Bona at ngayon ay sa Isa Pang Bahaghari, kaya alam ni Phillip na karapat-dapat sa Superstar ang karangalamg ito katulad ni Ricky Lee na long overdue na rin, pero naniniwala siya na ang lahat ay itatakda pa rin ng Diyos kung kailan mangyayari.
Masaya rin si Kuya Ipe na pumasa na sa Kongreso ang Eddie Garcia Act at hinihintay na lang na aprubahan ng Senado. Ayon sa aktor, matagal na nila itong napag-usapan nina Sen. Bong Go at Robin Padilla nang dalawin nila sa ospital si Manoy Eddie habang nakaratay ito.
Naniniwala siya na ito ang proteksiyon ng mga taga-industriya tulad niya at gaya ng pagiging National Artist ng Superstar ay dapat matagal na rin itong naging batas.
Labis ang pasasalamat ni Kuya Ipe kay Direk Joel Lamangan at sa line producer na si Dennis Evangelista dahil sa kabila ng pagtanggi niya noong una na gawin ang Isa Pang Bahaghari ay kinumbinse siya ng mga ito na basahin ang script at tanggapin ang pelikula.
Nang malaman niyang makakasama niya muli rito sina Ate Guy at Michael de Mesa ay siya na ang tumawag kay Direk Joel na tinatanggap niya ang pelikula. Bonus na rin para kay Kuya Ipe na mahuhusay din ang mga kabataang kasama nila sa pelikula tulad nina Sanya Lopez, Joseph Marco at Zanjoe Marudo.
Sa ganda ng pelikula, sa husay ng pagkakadirek ni Direk Joel Lamangan, sa galing ni Ate Guy at buong cast ng Isa Pang Bahaghari, sigurado kaming hahakot ng napakaraming awards sa MMFF Awards Night ang pelikula.
Siniguro rin sa amin ng Heaven's Best Entertainment producer na si Harlene Bautista na pagkatapos niyang i-produce ang mga de-kalidad na pelikula tulad ng Rainbow Sunset at Isa Pang Bahaghari ay balak na nilang gumawa ng mas maraming pelikula sa susunod na taon matapos lang ang pandemya.
Gagawa na rin daw sila ng ibang tema tulad ng rom-com, comedy at iba pa at mukhang mas magiging aktibo ang Heaven's Best sa pagpo-produce.
Positibo naman si Harlene na sa kabila ng walang regular screening ay magiging maganda pa rin ang pagtanggap ng mga tao sa 2020 Metro Manila Film Festival entries. Maaari nang manood ang isang buong pamilya ng isang pelikula dahil online ito, at mas malaki ang sakop dahil kahit ang mga nasa ibang bansa ay puwede na ring makapanood online.
Comments