ni Madel Moratillo | April 27, 2023
Hiniling ng Public Attorney’s Office at Office of the Solicitor General sa Korte Suprema na repasuhin ang pagkakabasura sa kasong kriminal laban sa 2 dentista na tumangging bigyan ng serbisyo ang isang HIV patient.
Una rito, pinagtibay ng Court of Appeals ang desisyon ng Taguig City regional trial court na nag-grant sa petition for demurrer to evidence na inihain nina Dr. Sarah Jane Mugar at Dr. Mylene Igrubay.
Ito ay kaugnay ng reklamong isinampa ni Henry Se dahil sa paglabag sa Republic Act 8504 o ang Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) Prevention and Control Act of 1998 laban sa dalawa.
Nakasaad sa petisyon na bumisita umano si Se sa Enhanced Dental Clinic sa Taguig City noong Pebrero 16, 2017 para magpakonsulta dahil sa masakit na ngipin.
Pero matapos niyang sabihin na sumasailalim siya sa medical treatment para sa HIV, pinayuhan umano siya ni Mugar na kumuha muna ng clearance mula sa kanyang doktor.
Matapos makakuha ng clearance ay nagpapa-schedule na sana umano siya para sa pagpapabunot ng ngipin subalit na-reject umano siya sa kadahilanang wala umanong UV type desterilization equipment ang nasabing clinic.
Ang sabi sa kanya, batay na rin umano ito sa instruction ng may-ari na si Igrubay.
Sa petisyon, sinabi ng OSG na ang provision and standard pagdating sa oral health care services ng mga pasyente ay dapat na patas anuman ang kondisyon nito.
Sa kanilang panig, iginiit naman ng PAO na dapat igiit dito ang RA 8504.
Giit ng PAO, kahit may batas sa anti-discrimination sa bansa, malibang kilalanin at ipatupad ito ng estado ay hindi matitigil ang diskriminasyon.
Ayon sa OSG, nagkaroon ng grave abuse of discretion ang CA nang sabihin nitong bigo ang prosekusyon na mapatunayang guilty beyond reasonable doubt ang dalawa.
Ayon kasi sa CA, ang pagtanggi ng EDC ay dahil sa kawalan ng kinakailangang desterilization equipment pero ayon sa OSG na-establish naman na ang nasabing klinika ay may first class materials, sterilized dental instruments, at disposable dental supplies'.
Ayon pa sa PAO, dapat ay ini-refer umano ang pasyente sa ibang klinika kung wala sila ng nasabing equipment.
Commentaires