ni Grace Poe - @Poesible | September 7, 2020
Hello, mga bes? Kumusta kayo at ang inyong pamilya? Sana ay malusog kayong lahat.
Panahon ito na ubuhin lang ang isa sa mga miyembro ng pamilya, nakakapraning na. May takot palagi na baka nakakuha na ng COVID-19. Hindi natin nakikita ang kalabang ito, ang magagawa lamang natin ay ibayong pag-iingat sa pagsunod ng health and safety protocols na inirerekomenda sa atin ng mga eksperto at palakasin ang ating immune system. Kahit nagluluwag na sa pagbubukas ang mga establisimyento, pakiusap, mga bes, maging mas maingat tayo! Ginagawa natin ito para sa ekonomiya at kabuhayan, hindi dahil wala nang virus!
Paalala rin sa mga kababayan natin na bigyan ng konsiderasyon ang mga suspek at nagpositibo sa COVID-19. Walang puwang ang diskriminasyon sa kanila sa lipunan natin. Basta’t sumusunod sila sa quarantine protocols, huwag natin silang gambalain.
Mag-ingat at maging ligtas palagi, mga bes.
***
Sa gitna ng pandemya, marami sa mga kababayan natin ang naglilibang sa pamamagitan ng panonood ng mga pelikula at serye. Ang streaming services tulad ng Netflix, patok na patok sa ating mga kababayang hindi makalabas ng bahay dahil sa virus.
Lumabas sa balita ang balak na regulasyon ng Movie and Television Ratings and Classification Board (MTRCB) sa streaming services tulad ng Netflix, Amazon Prime Video, at iba pa. Mula ito sa naging pahayag ng legal division chief ng MTRCB sa pagdinig ng isang komite sa Senado na kailangan ng regulasyon ng nilalaman ng mga palabas sa mga nasabing plataporma.
Marami tayong kababayan na umalma sa panukalang ito. Pambihira nga naman, ito na lang ang pinaglilibangan ng tao, pakikialaman pa. Isa pa, mayroon nga namang settings ang nasabing online streaming platforms na may mga palabas na klasipikadong pambata lamang. Hindi na kailangan ng karagdagang regulasyon mula sa pamahalaan.
Bilang dating MTRCB Chair, hindi tayo pabor sa panukalang ito. Ang daming trabaho ng MTRCB at kulang ang tao, kaya hindi nga ma-review lahat ng palabas sa cable TV. Idadagdag pa nila ang Netflix at ang iba pang streaming services sa gusto nilang pasukin. Pagtuunan ng pansin muna ang mga gawaing dapat aksyunan bago magtakda at umako ng panibagong responsibilidad.
Pangunahing trabaho ng MTRCB ang klasipikasyon ng mga palabas. Nauunawaan din naman natin ang pinanggagalingan ng nagpanukala. Gayunman, ang direksiyon dapat ng ahensiya at ng industriya ay tungo sa sariling regulasyon. Hindi censorship ang mandato ng MTRCB. Hindi ito umiiral para maniil at magpahirap kundi para gabayan ang sambayanan sa matalinong panonood at paglilibang.
Comments