ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 10, 2023
Grabe na talaga ang problema sa korupsiyon sa bansa kahit saanman ipaling ang tingin ay nangyayari ito, hindi lang mayayaman kung hindi maging sa kaliit-liitang bahagi ng lipunan ay biktima nito.
Huwag muna na nating talakayin ang talamak na korupsiyon na kinasasangkutan ng malalaking isda sa lipunan, ang pag-usapan natin ay ang korupsiyon na umiiral na hanggang sa mga eskinita na tila ang lahat ay ayaw nang magpalamang sa isa’t isa.
Hindi lahat nang nagtitinda ng isda o prutas ay mandaraya, ngunit subukan nating magtungo sa Divisoria o Baclaran—tiyak na kung hindi tayo alisto ay mabibiktima ng mga mandaraya sa kilo dahil lahat ng vendor na nasa sidewalk nakapuwesto ay naglalagay sa pulis o barangay.
Kailangan nilang manloko ng mamimili dahil kailangan nilang kumita ng mas malaki dahil sa loob ng isang araw ay kung ilang ‘bantay’ ang umiikot at nanghihingi ng ‘lagay’ para umano sa nakakasakop na istasyon ng pulisya at pamahalaang lokal.
Maraming mabuting Pilipino, may takot sa Panginoon, mabubuting ama, ina at mga anak, ngunit sa paglakad ng panahon ay tila mas lumalakas ang kapangyarihan ng kadiliman at ngayon ay nakalubog na tayo sa korupsiyon.
Hindi ba’t ang New York Times ay idineklarang most corrupt country sa buong Asya ang Pilipinas na bagama’t kahiya-hiya ay wala wala tayong magawa dahil sa hindi naman nakakabigla ang naturang ulat.
Ilang Pangulo na ba ng bansa ang nakulong dahil sa korupsiyon, ilang Senador, Gobernador, Heneral at marami pang matataas na opisyal ang humimas na ng rehas at ang iba ay kasalukuyang may mga nakasampa pang kaso dahil sa korupsiyon?
Hindi ba’t ilang panahon nang nananawagan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na huwag magbibigay ng suhol sa kanilang mga traffic enforcer dahil ang bribery o panunuhol ay karagdagang kaso pa.
Hindi na nga naman traffic violation ang ‘bribery’ kung hindi isa na itong criminal offense na hindi alam ng karaniwang driver na walang takot kung mag-abot ng suhol sa mga traffic enforcer.
Ngayon heto naman ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) bagung-bago na umaapela rin sa publiko na huwag magbigay ng suhol sa kanilang traffic enforcer at iba pang law enforcement unit para makaligtas na maisyuhan ng violation ticket.
Mismong si LTO chief Assistance Secretary Jose Arturo ‘Jay Art’ Tugade, ang nagpalabas ng pahayag na nakikiusap na pakikapagtulungan ng mga motorista dahil wala umanong magiging tiwali kung walang mag-uudyok na maging tiwali.
Nag-ugat ang pahayag ni Tugade nang makasakote ng operatiba ng LTO sa Sorsogon City ng sdriver na nagmamaneho ng colorum van sa isinasagawa nilang roadside assistance at inspeksyon bilang bahagi ng kanilang “Oplan Ligtas Biyaheng Pasko 2022.”
Pinara umano ng operatiba ng LTO ang Toyota Hiace van sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Guinlajon ng lugar na nabanggit upang beripikahin ang lisensya at rehistro, ngunit nakumpirmang kolorum dahil may lulan itong 17 pasahero.
Mula Northern Samar ang naturang van na dumadaan sa Bicol Region patungong Cubao at tulad ng nakasanayan ay nag-abot umano ng P3,000 ang driver, ngunit sa halip na ibulsa ng LTO operatives ay inaresto ang nanuhol na tsuper.
Very good ang mga operatiba ng LTO sa pagkakataong iyon dahil hindi tamang manuhol at tumanggap ng suhol, ngunit kapansin-pansing sa kabila ng lahat ay naglabas pa rin ng pakiusap si Tugade na huwag nang suhulan ang kanilang operatiba.
Alam ni Tugade na hindi bababa sa 1,000 van na kolorum ang bumibiyahe patungong Maynila at lahat ‘yan ay naglalagay para makabiyahe araw-araw, pero iilan ang lang ang nasasakote—huwag nga namang manuhol para hindi sila magkasala.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments