ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 25, 2024
Mismong si Sen. JV Ejercito na ang nagsabing sobrang atrasado na umano ang pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno.
Ayon kay Sen. Ejercito, wala na ito sa plano at timeline na itinakda ng Department of Transportation (DOTr) dahil maraming problema lalo na sa financing.
Iginiit ng butihing senador na hindi talaga kakayanin ng mga operator lalo ng mga jeepney driver ang napakamahal na modernong jeepney.
Kaya muli ay nabuhayan ang transport group nang sabihin ni Sen. Ejercito na kung talagang hindi pa aniya handa sa modernisasyon, huwag itong ipilit.
Sa kabilang banda, sinabi naman ni Senador Raffy Tulfo na hindi siya kontra sa public transport modernization program.
Sa pagdinig nitong Biyernes, Hunyo 21 ng Senate Committee on Public Services na kanyang pinamumunuan, sinabi ni Tulfo na masyadong mabigat para sa mga tsuper ang bayarin sa mga bagong jeepney.
Ayon kay Tulfo, mahihirapan ang mga jeepney driver sa P2.4 milyon na bayarin sa modernong jeepney o katumbas ng P28,000 kada buwan gayung nasa P21,000 lang ang kinikita nila bawat buwan o mas maliit pa.
Ang masaklap pa, sabi ni Tulfo, sa lahat ng bansa, sa China pa talaga binibili ang mga bagong PUV.
Dagdag pa ng senador na bukod sa sobrang mahal na, ayaw din niya ang disenyo na hindi naman mukhang jeepney kundi mini-bus ang mga itsura nito.
Sa mga ganitong pahayag mula sa dalawang senador ay bahagyang nabuhayan ang mga transport group at inaasahang bitbit na naman ang mga pahayag na ito sa susunod na mga kilos-protesta.
Nakakaumay na ang usapin sa PUVMP na mismong mga taong gobyerno ay hindi nagkakasundo-sundo hinggil dito — sana lang ay matuldukan na ang problemang ito.
Kung hindi kayang ipatupad ay tigilan na at kung kaya naman ay tapusin na dahil ang taumbayang mananakay ang apektado rito — lalo na at magbubukas na uli ang klase, tiyak na eeksena na naman ang mga transport group.
Sana ay maisip ng Department of Transportation (DOTr) kung gaano kahirap para sa mga guro at estudyante kung kabi-kabilang protesta na naman ang isasagawa ng mga transport group sa mismong pagbubukas ng klase, kapag hindi pa rin matapos ang problema sa PUVMP.
Kailangang may isang magiting na tatayo para ipatupad ang PUVMP, kung nais talaga itong ipatupad pero kung urong-sulong naman eh makabubuting tigilan na natin ito — kung hindi naman kaya!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments