top of page
Search
BULGAR

Hirit na dagdag-pasahe, rush hour rate at may fuel subsidy pa

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | August 15, 2023


Tinatayang sa katapusan ng buwang ito ay nakatakda nang ipamahagi ng Department of Transportation (DOTr) ang fuel subsidy para sa mga tsuper at hinihintay na lamang ang iri-release na pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM).


Ayon sa DOTr, nasa P2.95 bilyon ang nakalaang pondo na tinatayang aabot sa 1.6 milyong Public Utility Vehicles (PUV) drivers ang makikinabang sa hakbanging ito ng pamahalaan.


Binubuo ito ng 280,000 na PUV drivers, 930,000 na tricycle drivers at 150,000 delivery riders kung saan makatatanggap ng P10,000 na one time cash assistance ang mga modern jeep at modern UV express drivers.


Nasa P6,500 naman ang matatanggap ng iba pang uri ng pampublikong transportasyon — P1,000 sa mga tricycle drivers habang P1,200 naman sa mga delivery rider.


Pero tila hindi maliwanag sa ilang tsuper na kaya may fuel subsidy dahil ito ang ayudang ibinibigay ng pamahalaan sa mga PUV driver at operators upang tulungan ang mga ito sa tuwing nagkakaroon ng serye ng oil price hike.


Kasi sa kasalukuyan ay mainit na naman ang usapin hinggil sa hirit ng dagdag-pasahe ng ilang grupo sa sektor ng pampublikong transportasyon na ang kanilang dahilan ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa.


Nagpadala ng liham ang Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, Pagkakaisa ng mga Tsuper at Operators Nationwide, Stop and Go Transport Coalition, at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).


Nakapaloob sa liham na ipinadala nito lamang Agosto 11, na payagan umano silang magpatupad ng P2 dagdag-pasahe para sa unang apat na kilometro at ang kahilingang ito ay hindi lamang sa Metro Manila dahil nais nilang ipatupad sa buong bansa.


Idinadahilan ng mga transport group sa kanilang petisyon ang pagtaas ng presyo ng mga piyesa bukod pa sa hindi mapigilang pagsirit ng presyo ng langis kada linggo na talaga namang nangyayari sa kasalukuyan.


Dahil pa rin sa sunud-sunod na pagtaas ng petrolyo ay may ilang grupo rin ng mga tsuper na humihiling sa LTFRB na magdagdag-singil naman sa panahon ng peak hour na tinawag nila itong ‘rush hour rate’.


Sa hiwalay na proposal na ito ng mga tsuper ay nais nilang dagdagan ng P1 ang pamasahe sa pampasaherong jeepney at P2 naman sa pampasaherong bus sa panahon ng peak hours na alas-5 hanggang alas-8 ng umaga at alas-4 hanggang alas-8 ng gabi maliban na lamang kung araw ng Linggo at holidays.


Ang petisyon para sa ‘rush hour rate’ ay isinumite sa LTFRB noon pang Oktubre 2022 ngunit muling nabuhay at patuloy na lumalagablab ang usapin dahil sa walong sunud-sunod na oil price hike at nalalapit na pagbubukas ng klase.


Ngunit tila hindi katanggap-tanggap ang hiling na pagpapatupad ng ‘rush hour rate’ sa marami nating kababayan dahil sa katuwirang hindi naman umano tumataas ang suweldo ng lahat ng mga manggagawa na pangunahing sumasakay sa pampublikong transportasyon.


Katataas lamang umano ng pasahe sa LRT at MRT na halos hindi pa natutunawan ang marami sa ating kababayan ngunit heto at may mga kahilingan na namang nais isubo ang transport group.


Mabigat ang usaping ito na marahil ay dapat munang pag-isipang mabuti ng LTFRB bago tuluyang magdesisyon dahil posible tayong makatulong sa transport group ngunit labis namang tatamaan ang mga mananakay.


May ilang nagsasabi na dapat na umanong tanggalin ng pamahalaan ang oil excise tax para mapababa ang presyo ng petroleum products at iprayoridad ang pambansang transport program na pagtutuunan ng pansin ang lokal na produksyon ng mass transportation.


Hati ang opinyon ng pampublikong transportasyon at ng mga mananakay, wala akong gustong manaig kung sino ang dapat na masunod. Ang sa akin lamang ay pare-pareho sanang walang maagrabyado sa magiging desisyon ng pamahalaan para everybody happy. Tingnan natin ang diskarte ng LTFRB.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page