top of page
Search
BULGAR

Hirit kay P-BBM sa SONA… Solusyon sa pang-araw-araw na kalbaryo ng mga komyuter

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | July 23, 2022


Sa Lunes, July 25, gaganapin ang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na posibleng personal na daluhan at saksihan ng mga imbitadong personalidad at mambabatas.


Maraming ekspektasyon sa kanyang magiging pahayag — ekspektasyon sa mga programang nakatakdang ipatupad ng kanyang liderato na sana’y makatulong nang malaki sa ating bansa at sa ating mga kababayan.


Isa sa mga problema sa kasalukuyan ay ang transportasyon. Kaya’t sana’y mailatag ng Pangulo sa kanyang SONA ang mga detalye kung paano ito reresolbahin ng kanyang pamunuan.


Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa natatapos ang malalaking proyektong pang-transportasyon na iniwan ng administrasyong Duterte, tulad ng MRT-7 kaya’t nananatiling hirap na hirap ang mga komyuter sa kanilang pang-araw-araw na pagbibiyahe. Posibleng lumala pa ang problemang ito, lalo na’t nalalapit na ang Nobyembre, kung saan ipatutupad ang face-to-face classes.


Nabanggit ni Pangulong Marcos sa kanyang inauguration speech ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor. Isa ito sa ating mga inaasahang tatalakayin ng Punung-Ehekutibo sa kanyang pag-uulat sa bayan sapagkat magandahang hakbang ang pakikipag-partner ng gobyerno sa mga pribadong sektor.


◘◘◘


Putok na putok din ngayon ang binabalak na ‘rightsizing’ ng administrasyong Marcos sa mga ahensya ng gobyerno. Dahil dito, marami ang nag-aalala na madaragdagan ang mga magsasarang departamento at darami ang mga manggagawa sa gobyerno na mawawalan ng trabaho.


Pero ano nga ba talaga ang kahulugan nito?


Sa totoo lang, hindi ito direktang nangangahulugan ng sibakan sa gobyerno pero madalas, ganyan ang kapupuntahan. Puwede nating sabihin na dahil sa pulitika, minsa’y nagdodoble-doble ang mga tanggapan sa pamahalaan dahilan para maging bloated ang government agencies. Ang trabaho ng mga kawani, halos pare-pareho lang.


Sabi nga natin, maaari namang simulan ng administrasyong Marcos ang ‘rightsizing’ sa lalong madaling panahon at puwede nila itong umpisahan sa mga government-owned and-controlled corporations or GOCCs.


Matatandaan nating sa mga nagdaang panahon, mayroong 12 GOCCs ang na-abolish dahil sa kawalan ng kita at siyam na GOCCs naman ang ipinasara dahil sa overlapping functions.


Kung ito ang sa tingin ng gobyerno ay hindi magiging balakid sa pag-abante ng kabuhayan at tiyak na makatutulong, gawin nila ang mga nararapat na hakbang.


Wala mang batas na nag-aatas sa rightsizing, may kaukulang kapangyarihan ang Ehekutibo na magre-organize ng GOCCs, base sa isinasaad ng Governance Act of 2011 na iniakda ni dating senador Franklin Drilon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page